Nag-anunsiyo na rin ng operasyon ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa Mahal na Araw.

Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, na inilabas nitong Lunes, magsisimula ang suspensiyon ng operasyon ng rail line, sa Marso 27, Miyerkules Santo, hanggang sa Marso 31, Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay.

“LRT-1 operations from Baclaran Station to Fernando Poe Jr. Station and vice versa will be TEMPORARILY SUSPENDED from March 27 (Holy Wednesday) to March 31 (Easter Sunday),” anang LRMC.

Ipinaliwanag ng LRMC na layunin nitong bigyang-daan ang kanilang taunang maintenance activities at mandatory testing activities na may kinalaman sa Alstom signaling system para sa Cavite Extension project ng LRT-1.

National

LRT-2 at MRT-3, may tigil-operasyon sa Semana Santa

Dagdag pa ng LRMC, “This is to facilitate the annual preventive maintenance activities and the mandatory testing activities related to the Alstom signaling system for LRT-1 Cavite Extension project.”

Anang LRMC, magbabalik sa normal ang operasyon ng LRT-1 sa Abril 1, Lunes.

Nauna rito, nag-anunsiyo na rin ng suspensiyon ng operasyon para sa Mahal na Araw ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Philippine National Railways (PNR).