Naglabas ang Liberal Party ng opisyal na pahayag kaugnay sa dredging activities ng China Harbour Engineering Co. Ltd. (CHEC) sa Zambales nitong Lunes, Marso 18.

Sa X post ni Atty. Leila De Lima, mababasa sa pahayag ang kritikal na tanong na dapat umanong sagutin ng bawat Pilipino: “Does the Department of Environment and Natural Resources (DENR) and local officials in Zambales prioritize the well-being of their constituents, or the interests of a foreign company with a history of involvement in controversial projects like the Manila Bay reclamation and artificial island construction in our exclusive economic zone?”

“Malinaw ang pahayag ng mga residente sa mga apektadong lugar. Wala naman silang nararanasang malawakang pagbaha na kailangang ayusin sa pamamagitan ng dredging. Apektado ang kanilang hanap-buhay sa pangingisda at turismo. Nahihirapan silang matulog dahil sa ingay tuwing gabi,” saad ng Liberal Party.

Kaya naman, nanawagan daw ang Liberal Party sa DENR at sa iba pang awtoridad para sa isang agaran at transparent na imbestigasyon.

“The Liberal Party calls for an immediate & transparent investigation by the DENR & other relevant authorities into the necessity & legality of this project; a halt to dredging activities until a thorough environmental impact assessment is conducted and the concerns of residents are addressed; and the prioritization of the welfare of Filipinos and the protection of our environment over short-term gains for foreign companies,” pahayag ng naturang partido.

Sa huli, binigyang-diin ng Liberal Party ang karapatan ng mga Pilipino na magkaroon umano ng isang pamahalaang inuuna ang kanilang kapakanan at ang likas na yaman ng bansa.

“Nararapat lang na siguruhing ginagawa ang mga desisyon nang walang itinatago at may pananagutan, at tunay na napakikinggan ang boses ng mamamayan,” anila.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag ang CHEC tungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita para sa kanilang panig.