Limang kongresista ang humirit sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon laban sa kontrobersyal na resort sa gilid ng Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol.
Nitong Lunes, Marso 18 ng umaga, naghain ng dalawang pahinang resolusyon ang limang kongresistang sina Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo, Ralph Wendel Tulfo, Edvic Yap at Eric Go Yap, upang kumbinsihin ang kanilang kasamahan na maglunsad ng pagsisiyasat sa usapin.
Partikular na nanawagan ang limang kongresista sa House committee on natural resources na silipin kung paano nakapagpatayo ng Captain's Peak Garden and Resort sa naturang lugar sa kabila ng pagiging World Heritage Site nito batay na rin sa deklarasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organisation (UNESCO).
Isa ring protektado ang lugar sa ilalim ng Proclamation 1037 at dapat na pangalagaan upang hindi masira ang likas na kagandahan ng Chocolate Hills.
Nauna nang sinabi ng pamunuan ng resort na nakakuha sila ng business permit mula sa Sagbayan Municipal Hall sa kabila ng kawalan nito ng environmental compliance certificate (ECC).
Matatandaang naging viral ang nasabing resort dahil nagsisilbi itong "eye sore" sa gitna ng pamosong tourist spot sa nasabing lalawigan.