Mainit na panahon ang inaasahang mararanasan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Marso 18, dahil sa pag-iral ng easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni PAGASA Weather Specialist Benison Estareja na nagpapatuloy ang epekto ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa malaking bahagi ng bansa.

Kaugnay nito, malaki ang tsansang magdadala ang easterlies, maging ang localized thunderstorms, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Epekto ng amihan sa bansa

Ayon kay Estareja, hindi inaasahan ang epekto ng northeast monsoon o malamig na hanging amihan sa bansa ngayong Lunes.

Magsisimula raw muling umihip ang amihan sa Extreme Northern Luzon pagdating ng Martes ng gabi, Marso 19, at posible nang matapos hanggang sa Huwebes, Marso 21.

“Simula po bukas ng gabi ay iihip muli ang amihan sa Extreme Northern Luzon. Pagsapit po ng Wednesday and Thursday, posibleng umabot sa Southern Luzon itong amihan natin,” ani Estereja.

“Maaaring ito na po ang huling bugso ng northeast monsoon bago magsimula ang panahon ng tag-init o warm, dry season,” dagdag pa niya.