Iimbestigahan na ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ang pamamaslang sa isang babaeng Japanese at sa ina nitong isang Pinoy sa Tayabas City, Quezon nitong nakaraang buwan. 

Ito ang kinumpirma ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) nitong Linggo at sinabing resulta lamang ito ng paunang pagsisiyasat ng Tayabas City Police Office sa kaso.

Ang mag-ina ay nakilalang sina Mai Motegi, 26, at Lorry Litada, 54, isang overseas Filipino worker sa Japan.  

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Tiniyak naman ni Police Regional Office-4 chief Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, na patas ang isasagawang imbestigasyon ng SITG sa kaso. 

Nanawagan din si Lucas sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang dalawang biktima. 

Nauna nang inihayag ng pulisya na sumuko sa Pio Duran, Albay ang itinuturing na person of interest na si Ligaya Oliva Pajulas, kapatid ni Lorry at tiyahin ni Mai.

Nasa kustodiya na ng Tayabas Police Station si Pajulas. 

Naiulat na nawawala ang mag-ina nitong Pebrero 21, ayon kay Tayabas Police chief, Lt. Col. Bonna Obmerga. 

Matatandaang natagpuan ang bangkay ng mag-ina sa isang hukay malapit sa bahay ni Pajulas sa Bella Vita Subd., Barangay Isabang, Tayabas, nitong Marso 14.