Hinamon ni ACT Teachers Party-List Rep. France Castro si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader Pastor Apollo Quiboloy na sumunod sa "rule of law."
Sa isang pahayag nitong Linggo, Marso 17, iginiit ni Castro na dapat harapin ni Quiboloy ang mga kinasasangkutan nitong kaso.
"Payo namin kay Quiboloy: Hindi ka God, o appointed Son of God. At dapat kang sumunod sa rule of law at dapat maging accountable ka doon sa mga kasong inihain laban sa yo," ani Castro, na pinatutungkulan ang titulo ni Quiboloy sa simbahan nito na "Appointed Son of God."
"Harapin mo ito sa korte at harapin mo rin ang kongreso, ang senado, doon sa pagpapatawag sayo kaugnay doon sa trabaho namin na in aid of legislation," dagdag pa niya.
Samantala, binatikos din ng mambabatas ang naging pagtatanggol ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte kay Quiboloy.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.
https://balita.net.ph/2024/03/04/quiboloy-kakasuhan-ng-child-abuse-qualified-trafficking-remulla/
Bukod dito, naiulat kamakailan na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”
Matatandaang sa nagdaang pagdinig ng Senado kamakailan hinggil sa mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC, inihayag ni Senador Risa Hontiveros ang ruling na i-contempt si Quiboloy.
Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa naturang pagdinig.
https://balita.net.ph/2024/03/05/hontiveros-pinaaaresto-si-quiboloy/
Samantala, naglabas naman ng contempt order ang Kamara kamakailan laban kay Quiboloy dahil sa paulit-ulit naman nitong hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay ng isyung kinahaharap ng Sonshine Media Network International (SMNI).
https://balita.net.ph/2024/03/12/house-committee-pina-contempt-na-si-quiboloy/