Iginiit ni ACT Teachers Party-List Rep. France Castro na “napakasamang ehemplo” ang ipinapakita ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na pagtatanggol kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Marso 17, na inulat ng Manila Bulletin, tinanong ni Castro kung alam daw kaya ni Duterte ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy hindi lamang sa Pilipinas kung hindi maging sa ibang bansa.
"Hindi ba alam ni Vice President Duterte ang sandamukal na mga kaso ni Quiboloy sa dito at sa ibang bansa? Kahit nasa ibang bansa; ‘yung women and child abuse, may mga involve pa na mga pag-eexport ng mga baril, etc.," ani Castro.
"So parang napakasamang ehemplo ang pinapakita ni Vice President Duterte dahil sa tingin natin ay coddler siya ni Quiboloy," dagdag niya.
Ayon pa sa gurong mambabatas, hindi raw dapat pinagtatanggol ni Duterte si Quiboloy lalo na’t isa siyang kalihim ng DepEd.
"Hindi dapat ginagawa ito ng isang vice president at secretary ng Department of Education, otherwise kung gagawin niya ito, ay dapat hindi siya nasa department," giit ni Castro.
"My unsolicited advice to VP that the least that she could do is to advise his friend Pastor Quiboloy to attend the hearings of the Senate and the HoR (House of Representatives) as well as face his alleged criminal offenses in court here and abroad," saad pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay nanawagan si Duterte ng katarungan para kay Quiboloy na nakararanas umano ng “pandarahas.”
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.
https://balita.net.ph/2024/03/04/quiboloy-kakasuhan-ng-child-abuse-qualified-trafficking-remulla/
Bukod dito, naiulat kamakailan na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”