Nakatakda nang pauwiin sa bansa ang 63 Pinoy sa Haiti dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan doon, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Linggo, Marso 17.
Sa pahayag ng PCO, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers and Overseas Workers Welfare Administration (DMW-OWWA) na nasa 63 Pinoy sa Haiti ang pauuwiin matapos aprubahan ni DFA Secretary Enrique Manalo ang rekomendasyon hinggil sa pagdedeklara ng Alert Level 3 o “voluntary repatriation for Filipinos” sa Haiti.
Ayon sa PCO, mayroong 115 Pinoy sa Carribean island-nation sa kasalukuyan.
“The DFA and DMW-OWWA are now looking to charter a flight for 63 Filipinos since no flights are coming out of Haiti, and while land travel to the capital Port-au-Prince is also discouraged due to violent gang activities,” anang PCO.
Sa ngayon ay wala naman umanong naiulat na Pinoy na naapektuhan o nasugatan sa nagpapatuloy na sigalot sa naturang bansa.
Patuloy naman daw nakikipag-ugnayan ang Embahada ng Pilipinas sa pangunguna ni Ambassador Jose Manuel "Babes" Romualdez at ng DMW-Migrant Workers' Office-OWWA, Washington, D.C. sa Philippine Honorary Consul General sa Haiti, Fitzgerald Oliver James Brandt, at ang Filipino community leader na si Bernadette Villagracia hinggil sa planong pagpapauwi ng mga Pilipino sa Haiti.
Kasalukuyang nakararanas ang Haiti ng kaguluhan dahil sa violent gang activities.