Viral ngayon sa social media ang isang guro matapos niyang i-live stream ang kaniyang “pagpapagalit” sa kaniyang mga estudyante at pagbitaw ng mga salitang tulad ng “ang kakapal ng mukha ninyo” at “wala kayong mararating sa buhay.”
Sa isang TikTok video ng gurong may username na “Serendipitylover” na kumalat na rin sa Facebook at X (dating Twitter), makikita ang pagpapagalit nito sa kaniyang mga estudyante dahil umano sa hindi magandang ugali ng mga ito.
“Nakakalimutan n’yo ‘yung ano n’yo ha, ‘yung boundaries n’yo. Nakakalimutan n’yo ‘yung boundaries nyo. Una sa lahat hindi n’yo kami binabayaran dito para magtau-tauhan at gawing robot at gawin n’yong katatawanan sa harapan. Pangalawa, hindi ako nag-board exam para lang hindi irespeto ng mga katulad n’yong wala pa namang nararating sa buhay,” anang guro sa video.
“Ang kakapal ng mga mukha n’yo! Hindi n’yo nga kayang buhayin ang mga sarili n’yo. Hindi kayo marunong rumespeto,” dagdag niya.
Sinabi rin ng guro na mag-board exam din daw dapat ang naturang mga estudyante upang malaman daw nila kung “hanggang saan” sila.
“Baka hindi pa nga kayo pumasa eh, sa ugali n’yong ganiyan. Hindi na nga kayo matalino eh, ang sama pa ng ugali n’yo.
“Wala kayong mararating. Ako na nagsasabi sa inyo. Wala kayong lugar sa mundo,” saad pa ng guro.
Sa kalagitnaan ng kaniyang pagpapagalit ay sinaway niya ang isang estudyante at tinawag ding “ingrato” at “ugaling iskwater.”
Hindi naman malinaw sa naturang video kung ano ang partikular na dahilan ng ginawa ng mga estudyante na ikinagalit ng guro.
Samantala, hindi nagustuhan ng ilang netizens ang paraan ng pagpapagalit ng guro. Narito ang ilan sa kanilang X post kaugnay ng video:
“This is unacceptable.. You are degrading your students in every possible way. @DepEd_PH @PRC_main please check this account.”
“To my fellow future educator, pls don't be like serendipitylover.”
“‘Di ba bawal to? grabe pa choice of words .”
Sa ulat naman ng Manila Bulletin, sinabi ni Department of Education (DepEd) Deputy Spokesperson and Assistant Secretary Francis Bringas sa isang Viber message na iniimbestigahan na nila ang naturang video at pinag-aaralan ang kanilang magiging aksyon kaugnay nito.