Inihayag ng Department of Education (DepEd) na iniimbestigahan na nito ang viral video ng isang gurong nagpagalit at nagbitaw ng “masasakit na salita” sa kaniyang mga estudyante.

Sa isang Viber message nitong Sabado, Marso 16, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni DepEd Deputy Spokesperson at Assistant Secretary Francis Bringas na “vine-verify” na nila ang naturang video.

“We are verifying the report from the field,” ani Bringas.

“[This] will require a complete incident report to determine the next course of action in accordance with existing DepEd policies,” dagdag pa niya.

Trending

‘Wala kayong mararating!’ Guro, viral nang i-live stream ‘pagpapagalit’ sa mga estudyante

Sinabi rin ni Bringas na maglalabas sila ng update kaugnay ng isyu kapag natapos na ang kanilang pagsisiyasat dito.

Base sa viral TikTok video ng gurong may username na “Serendipitylover” na kumalat na rin sa Facebook at X (dating Twitter), pinapagalitan nito ang kaniyang mga estudyante dahil umano sa hindi magandang ugali ng mga ito.

Maririnig sa video ang pagbibitaw ng guro ng mga salitang tulad ng “ang kakapal ng mukha ninyo” at “wala kayong mararating sa buhay,” bagay na binatikos naman ng ilang netizens sa social media.