Gugunitain ang ika-67 anibersaryo ng plane crash o pagbagsak ng eroplano ni dating Pangulong Ramon Magsaysay sa pamamagitan ng paglulunsad ng bagong edisyon ng aklat na "One Came Back: Ang Trahedya ni Magsaysay." Akda nina Nestor Mata at Vicente Villafranca, ang aklat ay nagbibigay ng "firsthand" o pansariling kuwento tungkol sa kalunos-lunos na insidente.

Magaganap ito sa darating na Marso 18 sa pag-host ng University Santo Tomas (UST) Miguel de Benavides Library, sa kolaborasyon naman ng pamilya ng namayapang si Nestor Mata.

Ang pagbagsak ng sinakyang eroplano ni Magsaysay, na isang makasaysayang pangyayaring nagpagulantang sa buong bansa, ay naganap noong Marso 17, 1957. Ang naturang presidential plane na isang C-47 army aircraft na pinangalanang "Mt. Pinatubo" ay bumagsak sa Mt. Manunggal sa Barangay Sunog, Balamban town. Agad na nasawi si Pangulong Magsaysay gayundin ang iba pang lulan nito.

Nagkaroon ng tensyon sa airport check-in nang mag-alok si Luis Esmeron na isang technical assistant sa Malacañang na makipagpalit ng puwesto ng upuan sa pangulo sa loob ng eroplano. Gayunpaman, tinanggihan ni Pangulong Magsaysay ang alok.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Napansin naman ni Nestor Mata, isang reporter ng Philippines Herald at co-author ng aklat, na walang air-conditioning sa loob ng eroplano ng mga sandaling iyon, na pinaalis daw ng pangulo upang makaiwas sa kritisismo.

Bandang 1:15 ng madaling araw ng Marso 17 ay nag-take off ang eroplano, subalit ang dapat sanang smooth flight ay nauwi sa nakasisindak na insidente. Inilarawan ng mga saksi ang pangyayari na "a thousand lights blinking out at the same time."

Ibinahagi ni Nestor Mata na kaisa-isang survivor sa aksidente ang kaniyang nakakapanindig-balahibong karanasan sa "One Came Back," na magbibigay ng "firsthand" na karanasan sa mga huling sandaling ni Pangulong Magsaysay.

Si Mata, na isang dating mag-aaral ng UST, ay nagbigay ng ambag sa unibersidad bilang isang guro sa Political Science, Journalism, at Foreign Relations.

Ang bagong edisyon ng aklat, na inilathala ng Art Angel Commercial Quests, Inc., ay maaaring mabili sa mismong event.

Ang nabanggit na event ay pagbibigay-pugay kay Pangulong Ramon Magsaysay at isang paggunita na rin sa mga buhay na nawala sa nabanggit na plane crash.