Tumakas na? Quiboloy, aarestuhin anumang oras -- solon
Aarestuhin na anumang oras ang kontrobersyal na Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang pahayag ni House committee on legislative franchises vice chairman, Surigao del Sur (2nd District) Rep. Johnny Pimentel, Jr nitong Biyernes.
Paliwanag ng kongresista, may bisa na nitong Marso 15 ang contempt order at warrant of arrest laban kay Quiboloy.
Nitong Martes, ipina-cite in contempt ng Kamara si Quiboloy, gayunman, humiling ang abogado ng huli na si Atty. Ferdinand Topacio na ipagpaliban muna ang implementasyon nito dahil kakausapin muna nito ang kanyang kliyente hinggil sa usapin.
Wala aniyang surrender feeler si Quiboloy o pasabi si Topacio hanggang nitong Biyernes kaya't ipinasya ng Kamara na ipatupad na ang naturang hakbang.
Idinahilan din ng mambabatas, ilang beses nang hindi sinipot ni Quiboloy ang subpoena ng mga kongresista para sana sa imbestigasyon nito hinggil sa paglabag sa prangkisa ng television network na Sonshine Media Network International (SMNI).
Si Quiboloy ay sinasabing founder ng SMNI.