Magpapatupad ng tigil-operasyon ang mga linya ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (LRT-3) ngayong Semana Santa 2024.

Sa abiso ng LRT-2 at MRT-3, nabatid na ipapatupad ang tigil-operasyon mula sa Marso 28, Huwebes Santo, hanggang Marso 31, 2024, Linggo ng Pagkabuhay.

Layunin umano nitong bigyang-daan ang annual maintenance activities ng mga naturang rail lines.

Anang LRT-2, "Magpapatupad ng tigil-operasyon ang Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Semana Santa, mula March 28 hanggang March 31, 2024 (Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay) para bigyang-daan ang annual maintenance activities ng LRT-2."

Samantala sa Marso 27 naman, Miyerkules Santo, magpapatupad ang LRT-2 ng shortened operating hours.

Aalis umano ang unang tren sa Recto Station, sa Maynila at Antipolo Station sa Rizal, ng 5:00AM habang ang huling tren naman ay aalis ng 7:00PM.

"MRT-3 operations will be suspended from Maundy Thursday, March 28, until Easter Sunday, March 31, to give way for the rail line's annual Holy Week maintenance activities," abiso naman ng MRT-3.

Dagdag pa nito, regular operating hours ang oobserbahan ng MRT-3 sa Miyerkules Santo, Marso 27.

Sa ilalim ng regular operating hours, ang huling biyahe ng tren ay aalis ganap na 9:30PM mula North Avenue Station, habang 10:09PM mula Taft Avenue Station.

Magbabalik ang normal na operasyon ng LRT-2 at MRT-3 sa Abril 1, 2024.