Marso 15, 2020. Apat na taon na ang nakalilipas mula ngayon nang unang ianunsyo sa Metro Manila ang lockdown dahil sa Covid-19, na kalauna’y lumawak at naging pinakamahabang community quarantine sa mundo.
Kasabay ng pagdedeklarang manatili sa loob ng tahanan upang makaiwas sa virus ng mga panahon iyon, nagsilabasan naman ang mga nakahiligang pagkaabalahan, tulad ng pagiging “plantito at plantita,” maging ang mga pagkaing naging sentro ng cravings ng karamihan.
Narito ang ilang mga naging trending foodies noong Covid-19 lockdown:
Ube Cheese Pandesal
Ang Ube Cheese Pandesal ay isang Pinoy panaderia food na may bagong sineserve na taste. Ito ay ang “ube-ness” at “cheeseness” ng pandesal. Nagsimula ang ube cheese pandesal bago pa man ang lockdown, pero pinakasumikat ito noong panahon ng quarantine kung saan may mga Pinoy din na nag-bake nito sa kani-kanilang mga bahay.
Sushi Bake
Ang Sushi Bake ay isang sushi with a twist! Isa itong deconstructed sushi roll na niluluto sa kawali o kaserola. Kaya naman, nagagawa na itong i-bake sa bahay ng mga sushi-lover!
Dalgona Coffee
Ang Dalgona Coffee ay parang isang reverse version ng cappuccino. Basically, isa itong gatas na pinaibabawan ng foam na gawa sa kape at asukal. Dahil hindi complicated ang proseso, marami rin ang gumawa ng dalgona coffee sa bahay noong panahon ng quarantine, lalo na’t perfect ito para sa coffee lovers.
Burnt Basque Cheesecake
Ang Burnt Basque Cheesecake ay isang uri ng cheesecake with a twist! Tila unusual ito dahil sinadyang sunugin dito ang cheesecake para magbigay ng mapait na lasa sa outer layer pero extra creamy taste sa loob nito.
Sourdough
Ang Sourdough ay ang oldest form ng leavened bread na tinatangkilik na raw mula pa sa ancient Egypt. Kakaiba ito dahil sa halip na “commercial yeast,” ginagamitan lang ang sourdough ng tinatawag na “starter,” para umalsa. Kaya naman, naging perfect din itong pang-DIY noong lockdown.
Korean Cream Cheese Garlic Bread
Ang Korean Cream Cheese Garlic Bread o Yook Jjok Maneul Ppang ay isa sa mga kilalang Korean street foods na tinangkilik din ng mga Pinoy lalo noong lockdown. Ito ay isang malambot na tinapay na hiniwa at saka nilagyan ng seasoned cream cheese filling at isinawsaw sa garlic butter.
Corn Dog
Ang Corn Dog ay isang street food na pinaniniwalaang naimbento ng German immigrants sa Texas noong 1920s, hanggang sa kumalat na rin sa iba’t ibang dako ng mundo hanggang sa kasalukuyan. Ito ay isang sausage o hotdog na tinuhog at pinahiran ng cornmeal batter, at saka pinrito. Kinasabikan din ang corn dogs noong panahon ng lockdown dahil na rin palagi itong napapanood na kinakain sa ilang K-drama series, na kinahiligang i-binge watch ng mga Pinoy.
Isa rin ba ang mga nag-trending na pagkaing ito sa mga naging comfort food mo noong panahon ng pandemya? Bukod sa mga nasa listahan ay ano pa ang mga nakahiligan mong gawin at naging paborito mong kainin noong lockdown?
Ngunit kahit ano pa man ang naging paraan mo para maaliw at maitawid ang sarili noong mga panahong tila naikahon ka ng pandemya, ang mas mahalaga pa rin ay, sa kasalukuyan, narito ka. Kaya’t huwag kalimutang batiin ang sarili sa mga naipanalong suliranin at laban–lalo na noong panahon ng paghihirap sa gitna ng Covid-19 lockdown.