Limitado lamang sa ngayon ang mga pasyenteng kayang tanggapin ng emergency room (ER) ng Philippine General Hospital (PGH), matapos ang sunog na sumiklab doon nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, nakataas ngayon ang ER ng PGH sa ‘Code Triage.'
Nangangahulugan aniya ito na tanging mga taong may life-threatening conditions lamang ang maaari nilang tanggapin doon.
Ipinaliwanag ni del Rosario na dahil sa sunog, may mga pasyente rin silang kinailangang ilipat sa ER kaya't puno umano ang kanilang mga pasyente.
Ayon sa BFP, dakong alas-3:00 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa loob ng PGH at kabilang sa naapektuhan nito ay ang Wards 1, 2, 3, at 4, gayundin ang audio-visual room (AVR) ng Department of Medicine.
Hindi na rin naman aniya ginagamit ang naturang AVR at nakatakda na sana itong isailalim sa renobasyon.
Pagtiyak niya, wala namang pasyente o tauhan ng pagamutan ang nasaktan o nasawi sa sunog.
Wala rin aniyang walang major hospital equipment ang napinsala ng apoy.
Sinabi ni del Rosario na hindi na rin naman nila kinailangang ilipat sa ibang pagamutan ang kanilang mga pasyente at sa halip ay inilagay na lamang sa ibang wards at units sa loob ng PGH compound.