Ikinaalarma ng Department of Health (DOH) ang tumataas na mga kaso ng tuberculosis (TB) sa bansa matapos na umabot sa 612,534 ang naitala nilang bago at relapse cases ng sakit noong 2023.
Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, kinumpirma ni Health Secretary Ted Herbosa na nakapagtala ang Pilipinas ng 549 kaso ng TB kada 100,000 populasyon noong nakaraang taon.
Ayon kay Herbosa, ito ay mas mataas sa case notification rate na 439 kaso kada 100,000 populasyon noong 2022.
Anang kalihim, “For a period of five years, we’ve actually identified about 2.1 million cases—short of our target of 2.5 million. As of December 31, 2023, our new cases numbered 612,534."
Base aniya sa datos ng Integrated Tuberculosis Information System, nasa 10,426 katao na may TB ang iniulat na namatay ngunit kaagad na klinaro na hindi lahat ng mga ito ay nasawi dahil sa naturang infectious disease.
Dagdag pa ng health chief, nais nilang tuluyan nang matuldukan ang pamiminsala ng TB sa bansa, pagsapit ng taong 2030.
Gayunman, dahil ang TB ay endemic sa bansa, nais aniya niyang 100 porsiyento na matukoy ang lahat ng taong may TB at mabigyan ng medikasyon ang 99% man lang sa mga ito.
Binigyang-diin pa ni Herbosa ang pangangailangan na mapigilan ang sakit sa sandaling maging available na ang mga bakuna sa taong 2028 o 'di kaya ay mabigyan ng lunas ang lahat ng mga kaanak ng mga pasyente na na-exposed sa karamdaman.
Aminado si Herbosa na imposibleng tuluyang ma-eliminate ang TB hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.
Gayunman, nais umano niyang matiyak na ang lahat ng taong dinapuan nito ay mabibigyan ng gamot at hindi mamamatay dahil sa TB.
Nabatid na ilan sa karaniwang sintomas ng TB ay matagal na ubo, pananakit ng dibdib, pagkapagal, lagnat at pagbaba ng timbang.
Samantala, kinilala rin naman ni Herbosa na ang TB ay hindi lamang isang isyung pangkalusugan ng bansa.
Aniya, isa rin itong socioeconomic problem dahil naaapektuhan nito ang mas maraming marginalized populations sa mga low-resource settings.