Himas-rehas na ngayon ang dalawang magkapatid na babae matapos tangkaing magpuslit sa loob ng Antipolo City Jail sa Rizal, ng tinatayang aabot sa P1.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu, na itinago pa nila sa maselang bahagi ng katawan, nitong Martes.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police na inilabas nitong Miyerkules, kinilala lamang ang mga suspek na sina alyas 'Saly' at 'Kath,' na kapwa itinuturing na high value individuals (HVI).
Bago ang pag-aresto, nakatanggap umano ng tip ang jail warden na may mga bisitang magtatangkang magpuslit ng droga sa loob ng bilangguan kaya't hinigpitan ang pag-iinspeksiyon sa mga dalaw.
Dakong alas-4:00 ng hapon ng Martes nang dumating ang magkapatid at may dadalawin sanang bilanggo ngunit pinigilan sila ng mga jail personnel, matapos na mapansing tila balisa at hindi normal ang kilos ng mga ito.
Kaagad na ring humingi ng tulong ang mga jail personnel sa Antipolo police na mabilis namang rumesponde.
Nang kapkapan ang mga suspek ay dito na nakumpiska ng mga awtoridad ang isang condom, na may lamang 250 gramo ng hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P1,360,000, na nakatago sa maselang parte ng kanilang katawan.
Kaagad ding inaresto at ipiniit ang mga suspek, na kapwa sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.
Samantala, inaalam pa naman ng mga awtoridad kung kanino ibibigay ng mga suspek ang mga drogang tinangka nilang ipuslit sa bilangguan at kung saan nila kinuha ang mga ito.