Graft vs CHED chief, isinampa sa Ombudsman
Nasa balag ng alanganin ngayon si Commission on Higher Education (CHED) chairperson Prospero de Vera III makaraang ireklamo ng graft and corruption sa Office of the Ombudsman matapos umanong i-award ang supply contract sa pinaboran niyang kumpanya.
Sa isang radio interview, pinaratangan ni CHED Commissioner Aldrin Darilag, si De Vera na ini-award ang supply contract sa supplier na Aspen kahit hindi umano kuwalipikado.
Inirereklamo rin Darilag ang hindi pagbibigay sa kanya ng due process matapos siyang suspendihin ng 90 araw ng Office of the President nitong Enero dahil sa sinasabing kasong administratibo.
Aniya, hindi siya nakatanggap ng kopya ng reklamo laban sa kanya o nabigyan ng oras na magsampa ng counter-affidavit.
Pinagbawalan dn aniya siyang pumasok sa gusali ng CHED at hinihigpitan din ang staff nito kapag pumasok ng gusali.
Matatandaang isinapubliko ng CHED ang suspensyon ni Darilag nitong Enero.
Iniutos din ng OP na magsagawa ng fact-finding investigation ang CHED upang pag-aralan kung nararapat na sampahan ng kaso ang opisyal.
Noong 2023, kinumpirma ni De Vera na nakatatanggap siya ng reklamo laban sa dalawa nilang commissioner na sina Darilag at Jo Mark Libre dahil sa umano'y paglustay ng pondo at pang-aabuso sa kapangyarihan.