Pinahihintulutan ng Department of Education (DepEd) ang pagsususpinde ng face-to-face classes sa mga lokalidad, kung nakararanas ang mga ito ng matinding init dulot ng El Niño phenomenon.

Ito ang ginawang paglilinaw ni DepEd Assistant Secretary at Deputy Spokesperson Francis Bringas nitong Martes matapos na mag-anunsiyo si Bacolod Mayor Albee Benitez ng suspensiyon ng face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, gayundin sa mga unibersidad sa kanilang lugar, kasunod ng forecast ng PAGASA na magkakaroon ng mataas na heat index nitong Marso 11, Lunes, at Marso 12, Martes.

Ayon kay Bringas, noong nakaraang taon ay nagkaroon na rin ng ganitong mga insidente at naglabas na rin sila ng direktiba sa mga field offices na maaaring magsuspinde ng face-to-face classes sa panahon ng mataas na heat index.

“Last year meron nang situation na ganito at nakapag-issue na tayo ng directives last year para sa mga field offices na maaaring mag-suspend ng face to face classes...kung sobrang init na talaga ang nararamdaman sa kanilang mga school,” ani Bringas, sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Sinabi rin ni Bringas na hindi naman matitigil ang pag-aaral ng mga bata dahil sakaling magkaroon nga ng face-to-face class suspension, ay awtomatiko namang magdaraos ng modular distance learning ang mga paaralan.

Dagdag pa niya, ang mga local government officials at mga school heads ay maaaring mag-anunsiyo ng suspensiyon, batay sa heat index forecast ng state weather bureau.

Aniya pa, ang PAGASA ay may ginagamit na scale o sukatan at kapag napagtanto nilang masyado nang mainit ang panahon ay kinakailangan na talagang magsuspinde ng klase sa mga paaralan.