Inanunsiyo ni Mandaluyong City Mayor Ben Abalos na bumili ang pamahalaang lungsod ng may 100 body cameras para sa kanilang mga traffic enforcers.

Sa isang pahayag nitong Martes, nabatid na ang mga naturang mga body cameras ay kaagad ding ipinamahagi ng lokal na pamahalaan sa kanilang mga traffic enforcers upang magamit sa pagmamando ng mga batas trapiko, at implementasyon ng Single Ticketing System (STS).

Ayon kay Abalos, kasama ng mga ticketing devices, ang mga naturang body camera ay gagamitin ng mga traffic enforcers upang matiyak na transparency sa pagpapatupad ng STS sa lungsod.

Anang alkalde, makatutulong din ang mga ito na mapadali ang proseso ng paghuli ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.

Metro

Matarik na wheelchair ramp, binatikos; MMDA, nagpaliwanag

Ani Abalos, “Dahil sa STS ay magkakaparehas na ang multa ng mga lungsod dito sa NCR.”

Nabatid na ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ay kaisang lumagda sa implementasyon ng STS sa National Capital Region (NCR), kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO).

Bukod kay Abalos, ang programa na isinagawa sa lungsod nitong Lunes, Marso 11, ay sinaksihan din nina Mandaluyong City Vice Mayor Menchie Abalos, MMDA General Manager Procopio Lipana, Assistant General Manager David Angelo Vargas, at LTO Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II.