“Nakakataas ng kilay!”
Ito ang reaksiyon ni Senador Raffy Tulfo matapos niyang isiwalat na isang mananaya sa lotto ang "20 beses" na nanalo sa loob ng isang buwan.
Sa isang panayam sa radyo ng DZBB nitong Martes, Marso 12, sinabi ni Tulfo na base umano sa mga record na natanggap niya mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), mayroon daw isang tao ang 20 beses na nanalo sa isang buwan, at mayroon naman daw sampung beses sa isang buwan.
"'Yung PCSO, nagbigay ho sa akin ng listahan... ito nga po ‘yung sinasabi ko medyo nakakataas ng kilay. Mayroon doon na isang tao nanalo ng 20 times in one month. Mayroon doon 10 times in one month," ani Tulfo.
"Well maybe siguro baka magkapangalan pero still pare-pareho 'yung premyo ang pinanalunan," dagdag pa niya.
Paliwanag ng senador, ang isang mananaya ay may posibilidad na manalo sa four-digit at two-digit draw ng PCSO sa loob ng isang buwan.
Si Tulfo ang namumuno sa imbestigasyon sa PCSO games sa ilalim ng Senate Committee on Ways and Means.
Kaugnay nito, maliban sa listahan ng mga nanalo ay isinumite rin ng ahensya sa Senate panel kamakailan ang mga dokumento sa lotto games, kasama ang tax records, at mga nanalo ng jackpot.
https://balita.net.ph/2024/01/20/balitanaw-ang-makasaysayang-pagkapanalo-ng-lotto-sa-pinas/