Kasama si Senador Lito Lapid sa mga nananawagang payagan na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader Pastor Apollo Quiboloy na dumalo sa pagdinig ng Senado sa pamamagitan ng virtual conference upang maipaliwanag daw ang kaniyang sarili kaugnay ng mga alegasyon ng pang-aabusong ibinabato sa kaniya.

Sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Marso 11, sinabi ni Lapid na sumasang-ayon siya sa suhestiyon ni Senador JV Ejercito na padaluhin si Quiboloy sa hearing ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality sa pamamagitan ng Zoom.

“Para sa kaligtasan niya, sa security niya, dapat sa Zoom na lang,” ani Lapid.

“Para makapagpaliwanag, kasi bugbog na bugbog na siya eh. Hindi na siya makapagpaliwanag ng sarili niya eh,” dagdag pa niya.

National

Meralco, may dagdag-singil sa kuryente ngayong Nobyembre

Matatandaang inihayag kamakailan ni Quiboloy na nagtatago siya dahil sa banta ng kaniyang buhay matapos umanong makipagsabwatan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa United States (US) para “patayin” siya.

MAKI-BALITA: Quiboloy, inakusahan si PBBM na nakipagsabwatan sa US para patayin siya

Samantala, tinawanan lamang ni Marcos ang naturang akusasyon ng pastor at sinabing walang may gustong “mag-assassinate” dito.

MAKI-BALITA: Kahit inakusahan: PBBM, sinabing walang gustong magpapatay kay Quiboloy

Inabisuhan din ng pangulo si Quiboloy na dumalo sa mga hearing para sagutin ang mga katanungan tungkol sa mga alegasyon sa kaniya.

MAKI-BALITA: PBBM, inabisuhan Quiboloy na dumalo ng hearing: ‘Sagutin niya lahat ng tanong, edi tapos na’

Matapos namang hindi dumalo ni Quiboloy sa mga nakaraang pagdinig ng Senado, inihayag ni Senador Risa Hontiveros, tagapangulo ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality ang ruling na i-contempt at ipaaresto ang pastor.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Harapan namang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa naturang ruling ni Hontiveros, nangangahulugang walong pirma mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan niyang makalap para mapawalang bisa ang pag-contempt kay Quiboloy.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Kaugnay nito, noong Huwebes, Marso 7, inanunsyo ni Padilla na bukod sa kaniya ay lumagda na rin sa “written objection” ang mga senador na sina Senador Imee Marcos, Bong Go, Cynthia Villar, at JV Ejercito.

MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy

Makalipas naman ang ilang oras ay binawi ni Ejercito ang kaniyang lagda matapos umano niyang siyasatin ang “facts” at testimonya ng mga witness laban sa pastor.

MAKI-BALITA: Matapos siyasatin witness testimonies: JV, binawi pirma sa objection letter para kay Quiboloy

Dahil dito, apat na lagda pa ang kailangan ni Padilla para mapigil ang pag-contempt kay Quiboloy.

Hindi naman kasama sa naturang komite si Lapid.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla