Pagpapakita raw ng freedom of speech and religion ang isinagawang Prayer Rally ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ni Pastor Apollo Quiboloy, ayon kay Education Secretary at Vice President Sara Duterte.
Nangyari ang naturang pagtitipon nitong Martes, Marso 12, sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Sa isang ambush interview ni Duterte sa SMNI, ibinahagi ng isang mamamahayag ang hinaing umano ng taumbayan na halos magdadalawang taon na raw ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ay wala pa rin daw nararamdamang pagbabago.
"'Yan po ay karapat-dapat na iakyat nila sa ating pangulo. Sa lahat naman ng complaints ay puwedeng mapag-usapan nang mayroong diplomasya," sagot ng bise presidente.
"Masaya ako dahil ang mga supporters ni Pastor Apollo Quiboloy, members ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), personahe ng SMNI, mayroong mga ganitong mga rally at pagtitipon para mapalabas nila ang kanilang mga nararamdaman.
"Ito ay pagpapakita ng ating freedom of speech and religion," dagdag pa niya.
Matatandaang nanawagan si Duterte ng katarungan para kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader Apollo Quiboloy na nakararanas umano ng “pandarahas.”
Sa isang video message na inilabas ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa X nitong Lunes, Marso 11, iginiit ni Duterte na dapat pairalin ang “batas” at “katarungan” sa mga isyung kinahaharap ni Quiboloy.
Maki-Balita: VP Sara, nanawagan ng katarungan para kay Quiboloy: ‘Bigyan siya ng patas na laban’