Naghain na ng contempt order ang House Committee on Legislative Franchises laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy dahil sa paulit-ulit umano nitong hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay ng isyung kinahaharap ng Sonshine Media Network International (SMNI). 

Sa pagdinig ng komite nitong Martes, Marso 12, inihayag ni Surigao del Sur 2nd District Representative Johnny Pimentel ang pagpapa-contempt kay Quiboloy dahil sa muli nitong hindi pagdalo sa hearing hinggil sa franchise violations ng SMNI.

Wala namang miyembro ng komite ang tumutol sa naturang contempt order laban sa pastor. 

Matatandaang nito lamang Pebrero nang maglabas ang Kamara ng subpeona laban kay Quiboloy matapos ang sunod-sunod na hindi nito pagdalo sa committee hearings noong Disyembre 5, 11, 2023, at Pebrero 7, 2024.

Samantala, matatandaang noong Disyembre 2023, sinuspinde ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng SMNI sa loob ng 30 araw dahil umano sa mga paglabag ng network sa terms and conditions ng prangkisa nito.

MAKI-BALITA: Operasyon ng SMNI, suspendido ng 30 araw

Bukod dito, noong Enero 2024, pinatigil muli ng NTC ang operasyon ng SMNI habang tinatapos daw ang pagdinig sa kanilang kaso.

MAKI-BALITA: NTC, pinatitigil ang operasyon ng SMNI