Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na dinaig pa raw ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy ang “Sampung Utos ng Diyos” matapos itong magbigay ng 17 kondisyon bago humarap sa Senado.

Matatandaang nagbigay umano kamakailan si Quiboloy ng 17 kondisyon na kailangan daw masunod para dumalo na siya sa pagdinig ng Senate committee at sagutin ang mga alegasyon ng pang-aabusong ibinabato sa kaniya.

MAKI-BALITA: Ang 17 ‘kautusan’ ni Quiboloy bago humarap sa pagdinig ng Senado

Sa isang press conference nitong Lunes, Marso 11, sinabi ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na “first time” niyang makatanggap ng balitang nagbigay ng 17 kondisyon ang isang taong pinatatawag sa isang pagdinig.

“Mga kasama, sa tingin ko ay wala kahit sino sa atin ang nag-akala na darating ang panahon na kapag may ipinatawag na pumunta sa hearing, ang isasagot ay 'Sige, pupunta ako sa hearing, pero sa labing pitong kondisyon.’ First time ko makabalita ng ganito, sa totoo lang,” ani Hontiveros.

“Dinaig pa ni Pastor Quiboloy ang Sampung Utos ng Diyos.  Ang masasabi ko lang dyan: ‘Bakit Senado ang mag-aadjust sa kaniya?”

“The Senate will not bend its rules and procedures for you, Pastor Quiboloy, even if you are, as you say, a self-appointed son of God. Hindi kami para utusan mo. You will not mock the system of checks and balances during our watch. And this is not up for debate,” saad pa niya.

Samantala, sa naturang panayam ay binati ni Hontiveros ng “Happy International Women’s Month” sina Senador Robin Padilla, Imee Marcos, Cynthia Villar, at Bong Go, ang apat na senador na lumagda sa “written objection” para sa pigilan ang “contempt order” niya laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader Apollo Quiboloy.

MAKI-BALITA: Hontiveros sa 4 senador na kontra sa contempt order vs Quiboloy: ‘Happy Women’s Month’

Matatandaang sa nagdaang pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, ang ruling na i-contempt si Quiboloy. 

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa naturang pagdinig.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla