Naikuwento kamakailan ng kapatid ni Jaclyn Jose at dating aktres na si Veronica Jones ang nakita sa mga labi ng kaniyang kapatid nang ike-cremate na ito.
Sa video at panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Veronica na nakitaan ng "green bones" ang kaniyang kapatid, na bihirang-bihira sa mga tao.
Aniya, kapag ang isang tao raw ay may green bone, nangangahulugang mabuti talaga ang puso niya.
"Oh Jane [tunay na pangalan ni Jaclyn Jose], may sinasabi silang green, green bones? Ano raw ang ibig sabihin... hindi lahat ng tao na na-cremate meron no'n, very rare, nakita si Jane na meron, ang ibig sabihin daw no'n eh good heart."
Sumang-ayon naman ang mga kaibigang katabi niya, at totoo naman daw talagang may mabuting puso ang yumaong aktres.
Natanong ulit ang kapatid kung paano niya mailalarawan si Jane.
"Si Jane, mapagmahal, matindi magmahal. Down to earth. Maawain. Napakabait na tao. Walang masamang tinapay," aniya.
Kahit daw sa mga staff ay mabuti ang pakikitungo ni Jane at ayaw niya sa mga pasosyal.
Mamimiss daw niya ang kapatid at mahal na mahal daw niya ito.
MAKI-BALITA: Isang kakaibang bagay, nakita kay Jaclyn Jose sa cremation
Ngunit ano nga ba talaga ang ipinahihiwatig ng pagkakaroon ng green bones?
Sa kulturang Chinese, pinaniniwalaang kapag nakitaan ng green bones ang bangkay ng isang ike-cremate, ito raw ay "regalo" ng namayapa sa kaniyang mga maiiwan. Ito raw ay isang "welcome sign."
Sa iba pang kultura at relihiyon, pinaniniwalaang may mabuting puso ang namayapa, at ang bahagi ng buto ay pinapatapyas at iniuuwi upang magbitbit ng suwerte sa pamilya.
Subalit ang paliwanag naman nito sa science, maaaring nakaapekto raw ang temperatura sa loob ng crematorium sa pagkakaroon ng ibang kulay ng buto ni Jaclyn. May required temperature daw kasi sa loob ng crematorium (1,400 hanggang 2,000 degrees Fahrenheit). Nagsisimula ang proseso ng carbonizing sa bangkay kapag umabot na sa 570 degrees Fahrenheit ang temperatura. Dito na nagkakaroon ng coloration ang buto na puwedeng itim o dusty brown.
Bukod dito, maaaring nagkaroon ng chemical reaction sa mga buto ni Jaclyn dahil sa ilang chemical components nito gaya ng tetracycline, o kaya naman, sa mga kemikal gaya ng copper o bronze.
Puwede ring dulot ito ng "metallic residue." Kung ang namatay ay may metal implants o dental fillings na may kalakip na metal gaya ng copper o chromium, puwede itong mag-oxidize sa oras ng cremation at mag-trigger sa coloration ng buto.