Nagngitngit ang kalooban ng mga mamamayan mula sa bansang Botswana at buong South Africa kay Miss World 2013 at Philippine pride na si Megan Young matapos daw nitong ayusin ang buhok ni Miss World Botswana Lesego Chombo sa Q&A portion sa naganap na Miss World 2024 sa Mumbai, India nitong Marso 9, kung saan nagsilbing host si Megan.

Nasisi tuloy si Megan sa pagkakaligwak ni Lesego sa kompetisyon, at naging "below the belt" ang pagbatikos sa kaniya, na ang iba ay tinatawag pa siyang "witch" o mangkukulam.

Inaakusahan si Megan na may dala-dalang "withcraft" at sinabotahe ang kanilang kandidata dahil sa paghawak niya sa buhok nito; isa pa raw, masyado na raw lumalagpas sa boundaries at personal space ang Pinay beauty queen-actress.

Hindi raw dapat ginalaw o hinawakan ni Megan ang buhok ni Lesego dahil ito raw ang pamahiin sa nabanggit na bansa; samantalang sa Pilipinas naman ay wala lang ito kundi pagpapakita ng concern ni Megan.

Tsika at Intriga

Negosasyon sa renewal ng It's Showtime sa GMA, pinoproseso na!

MAKI-BALITA: Megan Young kinuyog dahil kinulam daw si Miss Botswana

Inako naman ni Megan ang kaniyang ginawa at humingi ng tawad sa mga naapektuhan nito. Aniya, ang kaniyang ginawa raw ay maaaring "culturally unacceptable."

"Last night during the final, I fixed Lesego Chombo’s (Miss Botswana) hair on stage. I wanted to offer a helping hand but I failed to oversee the bigger picture. This [could] have caused distress during that moment and I have been made aware that culturally, this is unacceptable," ani Megan sa kaniyang opisyal na pahayag na naka-post sa kaniyang Facebook account.

"We have spoken privately last night at the hotel and I have apologized to Lesego in private."

"To those who witnessed the incident, I also want to apologize for any discomfort or confusion my actions may have caused. It was a thoughtless and disrespectful act, and I take full responsibility for it."

"I assure you that it was not my intention to invade personal space or make anyone feel uncomfortable. I deeply regret my actions and will strive to be more mindful and respectful in the future," aniya pa.

MAKI-BALITA: Megan Young, nagsalita sa isyung kinulam niya si Miss Botswana

Ipinagtanggol naman si Megan ng mga Filipino netizen at sinabing masyado lang daw "OA" o over-acting ang mga taga-Botswana at iba pang taga-South Africa.

Maging si Miss Botswana ay naglabas na rin ng kaniyang apela sa kaniyang mga tagasuporta at tagapagtanggol, na bagama't naaappreciate niya sila, hindi raw tamang sisihin si Megan sa mga nangyari, at sabihan ang kinoronohang Miss World 2024 na si Krystyna Pyszková mula sa Czech Republic na hindi nito deserve ang titulo.

"Batho bame, I appreciate that you are all looking out for me, but it really doesn’t make me feel good when you bring other people down in my name or for my sake. Please be kinder, please ❤️ to Krystyna, to Megan, be kinder," ani Chombo sa kaniyang Facebook post.

Sa isa pang Facebook post, nag-congratulate si Lesego sa bagong Miss World.

"Congratulations to the 71st Miss World, Krystyna Pyszko ✨ I wish you a life changing and impactful reign as you represent all the 121 ladies who joined you on that stage last night ❤️," aniya.

MAKI-BALITA: Miss Botswana nakiusap para kay Megan Young, sa nagwaging Miss World 2024

Ngunit talaga bang "big deal" para sa mga taga-Botswana o sa South Africa ang ginawa ni Megan?

Kung sa mga Pilipino ay balewala lamang ito at sweet gesture lamang bilang pagpapakita ng malasakit o concern, iba pala ang kahulugan nito sa mga taga-Botswana at Africa.

Para sa mga babae sa Africa, mahalaga ang buhok nila dahil kakabit ito ng malalim nilang kultura, kasaysayan, pagkakakilanlan, at personal na ekspresyon. Sa kanilang kasaysayan, nakaranas ang mga babae ng opresyon sa kanilang buhok, at ang paghawak dito nang basta-basta at walang consent o pahintulot ay nagpapaalala sa masakit na pinagdaanan ng mga babae sa "exploitation."

Kaya rin may nagsasabing "racist" ang ginawa ni Megan ay dahil pagpapaalala raw ito ng pang-aalila o slavery ng mga Puti sa kanila, sa pamamagitan ng paghawak o pagmolestiya sa kanilang katawan noon. Kaya naman, hindi basta-basta pinapahawakan ng mga African women ang kanilang buhok sa kung sino bilang tanda ng mataas na pagpapahalaga nila sa sarili at identidad bilang isang lahi.

Sabi pa ng ilang mga netizen sa comment section, may paniniwala o pamahiin daw sa Botswana na puwedeng maglagay ng malas (bad luck) o sumpa (curse) sa ibang tao sa pamamagitan ng paghawak o pagsalat dito; kahawig ng "usog" o "bati" sa ating mga Pilipino, o mas matindi, "kulam."

Pero sabi nga, matapang na humingi ng tawad si Megan sa lahat ng mga nasaktan o naapektuhan sa kaniyang ginawa, at ipinangako naman niyang hindi na mauulit ito; bagay na nagdulot naman ng positibong pagtingin at paghanga sa mga Pilipino dahil ito raw ang tunay na Miss World, isang tunay na reynang marunong tumanggap sa kaniyang responsibilidad at pagkakamali. Isa pa, mismong si Lesego na ang nakiusap sa netizens na maging mabait kay Megan, kaya sana rin ay matapos na ito.