Magandang balita dahil mas accessible na ngayon sa mga mag-aaral sa Eastern Visayas ang medical education.

Ito’y matapos na aprubahan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang aplikasyon para sa government authority upang mag-operate ng Doctor of Medicine Program sa kanilang Samar Island Institute of Medicine (SIIM) ang Samar State University (SSU).

Ayon kay CHED Secretary Prospero de Vera III, ang pagpapalawak ng medical education sa Samar ay magpapasilidad sa implementasyon ng Republic Act No. 11509 o ang “Doktor Para sa Bayan” Law.

Nabatid na layunin ng naturang batas na madagdagan ang bilang ng mga doktor na magsisilbi sa mga malalayong lugar, sa pamamagitan nang pagtatayo ng Medical Scholarship and Return Service (MSRS) program para sa mga kuwalipikadong estudyante sa mga state universities and colleges (SUCs) o mga partner private higher education institutions (HEIs) sa mga rehiyon, na hindi pa nag-aalok ng medical course.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“The expansion of medical education in Samar will facilitate the implementation of Republic Act No. 11509 or the Doktor Para sa Bayan law as there is no state college or university in Eastern Visayas where poor but deserving students can become doctors,” ani de Vera.

Nabatid na ang University of the Philippines (UP) School of Health Sciences sa Palo, Leyte ay mayroong medical program gamit ang “ladderized system” ngunit hindi nito pinahihintulutan ang direktang enrollment ng mga estudyante at ang mga mag-aral ay scholars ng mga lokal na pamahalaan.

Anang CHED, ang SSU na ang magiging ika-20th na public medical school sa Pilipinas.

Dahil sa pagkadagdag sa SSU, mayroon na ngayong walong SUCs na may medical schools sa Luzon, lima sa Visayas, at pito sa Mindanao.

Mayroon na ring mahigit sa 2,000 mahihirap ngunit deserving students ang kasalukuyang mayroong scholarships sa public and private-partner medical schools sa bansa, sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan law.

Samantala, nagpaabot naman ng labis na pasasalamat si SSU President Marilyn Cardoso sa CHED dahil sa pag-apruba sa kanilang medical program.