₱12,000 ayuda para sa mga senior citizen, fake news -- DSWD
Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala silang programang nagbibigay ng ₱12,000 ayuda para sa mga senior citizen.
Sa pahayag ng DSWD, peke ang kumakalat na impormasyong mula sa Youtube account na Balitang Pinas (https://www.youtube.com/@ MahalagangBalita25) kaugnay ng serbisyo at programa ng ahensya.
"Kilatising mabuti at i-verify ang mga nababasa’t napapanood online. Hinihikayat din namin na i-report ang Youtube account na 'Mahalagang Balita' (@MahalagangBalita25)," anang ahensya.
Nanawagan din ang DSWD sa publiko na bisitahin lamang official social media accounts at website ng DSWD hinggil sa mga programa nito.
Sinabi ng DSWD, maaaring i-avail ng mga senior citizen ang programa nito katulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Social Pension for Indigent Senior Citizens upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
"Sa taon na ito, ang halaga ng social pension ay ₱1,000.00 kada buwan. Ito ay ibinibigay sa loob na anim na buwan or kada semestre sa lahat ng benepisyaryo ng programa sa buong bansa na may kabuuan na halagang ₱6,000," pagbibigay-diin pa ng ahensya.