Naniniwala si Senador Robin Padilla na “51%” ang tsansa niyang makuha ang pirma ni Senador Mark Villar para sa “objection letter” na naglalayong pigilin ang contempt order laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader Apollo Quiboloy.

Sa isang panayam sa radyo ng DWIZ nitong Sabado, Marso 9, sinabi ni Padilla na malalaman niya ang desisyon ni Villar sa Lunes, Marso 11.

“Sa Lunes po magkakaa-alam-alam po ‘yan, pero ako po naniniwala naman na si Senator Mark Villar ay maaari, siguro, meron pong masasabi ko na 51% [chance] na pumirma,” ani Padilla.

“Sapagkat magkakasama po kami sa panahon ng lumalaban sa komunista, dahil parte po ang opisina niya dati sa NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict), so magkakakilala po kami,” dagdag pa niya.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Matatandaang sa nagdaang pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Senador Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy. 

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa naturang pagdinig.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Harapan namang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa naturang ruling ni Hontiveros, nangangahulugang walong pirma mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan niyang makalap para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Kaugnay nito, sa naturang panayam sa DWIZ ay sinabi rin ng senador na gagawin niya ang lahat para mapigil ang pag-contempt at pag-isyu ng warrant of arrest laban kay Quiboloy.

MAKI-BALITA: Robin, gagawin lahat para mapigil contempt order vs Quiboloy: ‘May utang na loob tayo rito’

Noong Huwebes, Marso 7, inanunsyo ni Padilla na may apat pang mga senador na lumagda na sa “written objection” kaugnay ng contempt order laban kay Quiboloy. Ito ay sina Senador Imee Marcos, Senador Bong Go, Senador JV Ejercito, at ang ina ni Villar na si Senador Cynthia Villar.

MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy

Makalipas naman ang ilang oras ay binawi ni Ejercito ang kaniyang lagda matapos umano niyang siyasatin ang “facts” at testimonya ng mga witness laban sa pastor.

MAKI-BALITA: Matapos siyasatin witness testimonies: JV, binawi pirma sa objection letter para kay Quiboloy

Dahil dito, apat na lagda pa ang kailangan ni Padilla para mapigil ang pag-contempt kay Quiboloy, at mayroon pa umano siyang hanggang Lunes para kumalap ng pirma.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Bukod dito, naiulat noong Huwebes, Marso 7, na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”