Ipinagtanggol ng aktres at kumare ng pumanaw na aktres na si Jaclyn Jose, na si Rita Avila, ang mga naulilang anak nitong sina Andi Eigenmann at Gwen Guck matapos batikusin ng mga netizen sa social media.
Nakakatanggap pala ng paninisi ang magkapatid dahil sa ginawa raw nilang pang-iiwan sa kanilang ina, at tila nasisi pa ang dalawa dahil kung kasama lang daw sana nila si Jaclyn nang oras na maatake ito sa puso, ay baka naitakbo raw kaagad sa ospital at naagapan pa ang buhay.
"Tulad ngayon, ang daming kuro-kuro. 'Sana kasi ganito ang ginawa.' 'Dapat kasi ganyan ang ginawa.' 'Bakit naman kasi ginanun,'" pagsisimula ni Rita na ninang ni Gwen.
"Kasama ka ba nila sa bahay mula ng isinilang ang mga anak ni Jaclyn Jose? Naranasan mo bang pumasok sa isip at katawan nila kaya alam mo ang tinahak ng bawat isa sa kanila? Nasa lugar ka ba para kwestyonin at ipa-guilty pa ang mga naiwan? I-REST IN PEACE NA MUNA PO ANG ISIP AT BIBIG kung walang buti ang idudulot nyo sa mga naiwan. MASAKIT NA PO MASHADO ANG NANGYARI SA KANILA. Hinay-hinay po," ani Rita.
"Hindi lahat ng nababasa o nakikita nyo ay totoo. Marami ang nasisilaw. Marami ang makakapal. Parang totoo pero hindi. Ipagdasal na lang natin si Jaclyn at ang kanyang pamilya."
"Sa isang post ko na ang wishful thinking ko ay sana may 'KATE' din si Jaclyn, mabuting wish un para sa isang naging kaibigan dahil malungkot nga daw sha sa pagiging mag-isa at dahil alam ko ang advantage ng may kasamang nagmamahal, nag-aasikaso at nagpapasaya sa akin. PERO HINDI KO KWINESTYON ANG SITWASYON NYA. WALANG KINALAMAN UN SA MGA ANAK NYA. I TRUST HER AND HER CHILDREN FOR ALL THEIR DECISIONS," paliwanag pa ng aktres.
Sa isa pang Facebook post, ibinahagi ni Rita ang isang ulat patungkol sa isyung ito.
"Kahit anong linis ng mensahe ay may magdudumi dito. Pero ganun talaga. Mas higit na marami ang nakaunawa, ung ilang hindi ay nakakaawa. Pero ganun talaga. Iba iba ang ating pinanggagalingan kaya mahirap magkaunawaan. Pero ganun talaga.
Lahat tayo ay may buti sa ating puso at isipan. Pag yun ang mas madalas mangibabaw, nasa maayos na tayong kalagayan," saad niya.