Sa complaint affidavit ni Chiong, kabilang sa kinasuhan ang mga dati at kasalukuyang DENR secretaries, DENR-NCR directors, private respondents na sina Andrew Tan, President and CEO at Chairman of the Board of Directors ng Megaworld Corporation at dating Megaworld Properties & Holdings Inc., George Yang, Vice Chairman of the Board at iba pang Board of Directors ng kumpanya at kasalukuyan at mga dating opisyal ng Quezon City local government.
Sinabi ni Chiong, nagsabwatan umano ang mga opisyal ng gobyerno at business company para sa illegal na proyekto sa Marikina River sa Eastwood, Libis.
Ipinaliwanag ni Chiong, ilegal umanong sinakop ng Megaworld Corporation ang 1,500 metro kuwadradong babagi ng ilog kung saan ito nagtayo ng istraktura na naging sanhi ng pagsikip ng daluyan ng tubig.
Idinagdag pa ni Chiong, nagpabaya umano sa kanilang tungkulin ang mga opisyal ng DENR at city government matapos bigyan ng pahintulot ang kumpanya na maipatupad ang proyekto.
Habang ginagawa ang balitang ito, wala pang inilalabas na pahayag ang mga opisyal ng DENR, QC government at Megaworld hinggil sa usapin.