Nagpahayag ng suporta ang Liberal Party kay Senador Risa Hontiveros hinggil sa pag-isyu ng arrest warrant laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

Matatandaang sa nagdaang pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy. 

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa naturang pagdinig.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

“The Liberal Party stands firmly behind Senator Risa Hontiveros' call for the issuance of an arrest warrant against Pastor Apollo Quiboloy,” anang Liberal Party sa isang pahayag nitong Sabado, Marso 9.

“The mounting evidence against him paints a disturbing picture of abuse, and delaying justice only serves to embolden perpetrators and further victimize the vulnerable,” dagdag nito.

Ikinabahala naman ng partido ang mga naiulat na ilang mga senador na lumagda sa “written objection” laban sa naturang contempt order ruling. 

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy

MAKI-BALITA: Matapos siyasatin witness testimonies: JV, binawi pirma sa objection letter para kay Quiboloy

“Let us be unequivocal:  influence and political affiliation must never be a shield against accountability. The wheels of justice must turn for all Filipinos, regardless of power or position. The Filipino people deserve to know the truth and a justice system that protects the weak and the marginalized, not one that bows to the pressure of the powerful,” giit ng partido.

Kaugnay nito, hinikayat ng Liberal Party ang lahat ng mga senador na gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin sa bansa at siguraduhin ang isang patas at walang kinikilingang proseso kaugnay ng kaso ng KOJC leader.

Nanawagan din ang partido sa lahat ng mga Pilipinong suportahan ang isang makatarungan at walang kinikilingang sistema ng pananagutan.

“Let us send a clear message:  acts of abuse will be investigated and prosecuted, regardless of the perpetrator. We must work together to ensure that the Philippines becomes a nation where the rule of law truly prevails,” saad ng Liberal Party.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Bukod dito, naiulat noong Huwebes, Marso 7, na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”