Naniniwala si Senador JV Ejercito na tama ang kaniyang naging desisyon na bawiin ang kaniyang pirma sa “written objection” na naglalayong harangin ang contempt order ni Senador Risa Hontiveros laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang panayam ng News5 nitong Biyernes, Marso 8, sinabi ni Ejercito na hindi niya binawi ang kaniyang pirma dahil sa mga pamba-bash na nakuha niya sa social media. Ginawa raw niya ang naturang aksiyon dahil iyon daw ang alam niyang tama.
“Wala namang masama doon kung iko-correct mo ‘yung sarili mo eh, na magbago ka ng desisyon. We are all human. Public perception is secondary. What is important is doing the right thing. Tao lang naman po tayo eh, nagbabago rin ang isip natin. There are certain factors,” ani Ejercito.
“So I did not withdraw because of bashing, sanay na sanay na ako diyan. It’s a matter of doing the right thing,” dagdag pa niya.
Paliwanag din ng senador, tulad ng sinabi niya sa nauna niyang pahayag ay pumirma umano siya sa naturang kasulatan dahil sa “practicality” matapos ianunsyo ni Department of Justice (DOJ) Secretary Secretary Jesus Crispin Remulla na maghahain na ng kasong “child abuse” at “qualified trafficking” laban kay Quiboloy.
MAKI-BALITA: Ejercito, nagpaliwanag bakit siya pumirma sa written objection para kay Quiboloy
MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla
Samantala, binawi raw niya ang kaniyang lagda nang mapag-isipan niyang mas mabuting humarap ang pastor sa pagdinig ng Senado upang maipahayag din nito ang kaniyang panig lalo na’t seryoso raw ang mga alegasyong kinahaharap niya.
“I decided to withdraw para both sides maririnig natin. Pati si Pastor Quiboloy, mabigyan ng chance [magpaliwanag]. Ito kasing mga allegation medyo disturbing eh, especially we have Women’s Month… Kailangan siguro matuloy na rin ‘yung investigation,” saad ni Ejercito.
Matatandaang sa nagdaang pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy. Pinaaaresto na rin niya ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa naturang pagdinig.
MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy
Harapan namang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy, dahilan kinakailangan niyang kumalap ng walong pirma mula sa mga miyembro ng komite para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.
MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy
Kaugnay nito, isa si Ejercito sa mga pinangalanan ni Padilla noong Huwebes, Marso 7, na apat na mga senador na kasama niyang pumirma sa “written objection” kaugnay ng contempt order para kay Quiboloy.
MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy
Samantala, makalipas ang ilang oras ay binawi ni Ejercito ang kaniyang lagda matapos umano niyang siyasatin ang “facts” at testimonya ng mga witness laban sa pastor.
MAKI-BALITA: Matapos siyasatin witness testimonies: JV, binawi pirma sa objection letter para kay Quiboloy
Dahil sa pagbawi ng pirma ni Ejercito, apat pa ang kailangan ni Padilla para mapigilan ang pag-contempt kay Quiboloy.