Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Sabado, Marso 9, dahil sa northeast monsoon o amihan at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Eastern Samar, Leyte, at Southern Leyte bunsod ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, at Quezon dulot ng malamig na hanging amihan.

National

Casiño sa pahayag ni PBBM hinggil sa impeachment vs VP Sara: ‘He only deepens culture of impunity!’

Inaasahan din daw na magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, the rest of Central Luzon, at mga natitirang bahagi ng CALABARZON.

Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms.

Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).