Init ng panahon, inaasahang titindi pa sa Zamboanga City, Cotabato
Binalaan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko dahil sa inaasahang pagtindi pa ng init ng panahon sa Zamboanga City at Cotabato ngayong Marso 9.
Sa pagtaya ng PAGASA, inaasahang mararamdaman ang heat index na 42 degrees celsius sa Zamboanga City sa Zamboanga del Sur ngayong Sabado.
Inaasahan na ring aabot sa 41 degrees celsius ang init factor sa nasabi ring lungsod sa Linggo, Marso 10.
Sinabi ng ahensya, nararamdaman pa rin ang matinding init ng panahon sa Cotabato City sa Maguindanao kung saan inaasahang papalo sa 42 degrees celsius ang heat index nito hanggang sa Linggo.
Nauna nang binanggit ng PAGASA na naramdaman ang 43 degrees celsius na heat index sa nasabing siyudad nitong Marso 7 at 8.
Ang heat index ay ang nararamdamang temperatura ng katawan ng tao kapag ang alinsangan ay isinasama sa aktuwal na init ng hangin.