Iginiit ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi siya naniniwalang totoo ang mga kaso ng pang-aabusong iniuugnay kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy dahil ito raw ay “respetado” at “anak ng Diyos.”

Sa panayam ng mga mamamahayag na inulat ng Manila Bulletin nitong Biyernes, Marso 8, sinabi ni Dela Rosa na hindi naman niya nababantayan si Quiboloy kada oras, ngunit humahanga raw siya sa pastor at hindi niya maisip na mang-aabuso ito ng mga babae at ibang tao.

“Sa pagtingin ko lang sa kaniya, ha. Hindi ko naman siya nababantayan 24 hours, hindi naman ako nakatingin sa kaniya 24 hours, pero if you ask my opinion about him, he is highly respected. Ako mismo, humahanga sa kaniya,” ani Dela Rosa. 

“He is the Son of God. So less expected ko sa kaniya na gumawa ng ganoong offense. If you have to ask my opinion. Opinyon ko lang ‘yan. Hindi ko naman siya nakikita 24 hours a day,” dagdag niya.

National

Meralco, may dagdag-singil sa kuryente ngayong Nobyembre

Ayon pa sa senador, ang “impression” daw niya kay Quiboloy ay isang respetadong tao na hindi kayang gumawa ng mga “kababuyang” ibinabato sa kaniya sa kasalukuyan.

“Tayo, tao lang tayo, ‘di ba? Nobody’s perfect, ‘no? Tao tayo, pwede tayong magkamali. Andiyan, andiyan ‘yan lahat ng posibilidad habang tayo’y tao. Pero kung sabihin ninyo na ‘yung impression ko sa kaniya, ang impression ko sa kaniya ay respetado siyang tao at hindi niya kayang gawin ‘yung mga gano’n na kababuyan na ina-allege sa kaniya,” giit ni Dela Rosa.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Bukod dito, naiulat noong Huwebes, Marso 7, na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”

Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Senador Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy.

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Samantala, sa naturang pagdinig ay harapang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Walong pirma naman daw mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.

Nito lamang Huwebes, Marso 7, ay pinangalanan naman ni Padilla ang apat pang mga senador lumagda na sa “written objection” kaugnay ng contempt order laban kay Quiboloy. Ito ay sina Senador Imee Marcos, Senador Cynthia Villar, Senador Bong Go, at Senador JV Ejercito.

MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy

Makalipas ang ilang oras ay binawi naman ni Ejercito ang kaniyang lagda matapos umano niyang siyasatin ang “facts” at testimonya ng mga witness laban sa pastor.

MAKI-BALITA: Matapos siyasatin witness testimonies: JV, binawi pirma sa objection letter para kay Quiboloy