Iginiit ni Vice President Sara Duterte na tumitindi na raw ang mga paninira sa kaniya ng isang “organisadong demolition job” na ang layunin umano’y sirain ang kaniyang integridad at palabasing siya ay “isang mamamatay-tao, corrupt, abusado, taksil at isang war lord.”

Sa isang video message nitong Huwebes ng gabi, Marso 7, sinabi ni Duterte na ang “black propaganda” ay ginagamit ng mga taong nais daw siyang mabigo sa kaniyang gampanin sa bansa.

“Mga kababayan, ang black propaganda ay maruming bahagi ng politika at gagamitin itong sandata laban sa akin ng mga taong nangangarap na makita tayong bigo sa pagtupad ng ating sinumpaang tungkulin sa bayan,” ani Duterte.

“Nagiging mas matindi, mapangahas, at desperado na ang mga paninira sa akin ngayon. Bahagi ang mga ito ng isang organisadong demolition job na ang layunin ay sirain ang aking integridad at gumawa ng imahe na ako ay isang mamamatay-tao, na corrupt, abusado, taksil at isang war lord,” dagdag niya.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Binanggit din ng bise presidente ang mga naging pag-atake raw sa kaniya tulad ng isyu ng confidential funds, ang nag-viral kamakailan na video sa Commonwealth traffic, at ang paggawa raw ng isyu hinggil sa pagtatag ng security para sa opisina ng bise presidente.

MAKI-BALITA: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo

MAKI-BALITA: OVP, may pahayag sa isyung si VP Sara umano ang dahilan ng viral traffic incident sa QC

Bukod dito, binanggit din ni Duterte ang mga isyung tulad ng paglabas ng testigo na nagsabing bahagi umano siya ng Davao Death Squad, ang nagsabing kumuha umano sila ng amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng mga bag ng baril kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy, at ang “pambabastos” daw sa relasyon nila ng kaniyang asawa.

MAKI-BALITA: VP Sara itinanggi pagdawit sa kaniya sa ‘Oplan Tokhang’: ‘Bago ang script na ito’

MAKI-BALITA: Mag-amang Duterte kumuha ng mga bag ng baril kay Quiboloy, giit ng Ex-KOJC member

“Kamakailan lamang ay nagsusulputan din ang mga online scam sa pera sa social media katulad ng scholarship o pabaon program para sa mga mag-aaral,” dagdag pa ni Duterte.

“Sinisiraan ako para pagdudahan, pahiyain, at panghinaan ng loob. Nais nilang isuko ko ang aking sinumpaang tungkulin na magsilbi sa bayan. Ayaw nilang magtagumpay tayo para sa edukasyon ng mga batang Pilipino at para sa kanilang kinabukasan na nanganganib sa kamay ng korapsyon, kriminalidad, iligal na droga, at terorismo.”

Samantala, nagpasalamat naman ang bise presidente sa mga taong patuloy raw na sumusuporta sa kaniya.

“Salamat sa inyong patuloy na suporta sa aking mandato na itaguyod ang pag-angat ng antas ng edukasyon ng ating mga kabataan. Salamat po sa inyong mga dasal,” aniya.

“Tandaan po natin na ang mga paninirang ito ay nagkukubli ng mga personal at politikal na interes. At ang mga ito ay hindi ninyo interes, hindi interes ng bayan, hindi ito interes ng Pilipinas,” saad pa ni Duterte.