Tapyas-presyo sa produktong petrolyo, asahan sa susunod na linggo
Magkakaroon na naman ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sinabi ni DOE-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, katiting lamang ang ibabawas sa presyo ng produktong langis at ibinatay ito sa nakaraang tatlong araw na kalakalan nito.
Nasa ₱0.50 hanggang ₱0.80 ang ibababa sa kada litro ng gasolina, ₱0.20 hanggang ₱0.50 ang ibabawas sa kada litro ng diesel at mula ₱0.20 hanggang ₱0.45 ang itatapyas sa kada litro ng kerosene.
Huling nagpatupad ng price adjustment nitong Marso 5 kung saan nabawasan ng ₱0.40 at ₱0.35 ang presyo ng kada litro ng diesel at kerosene, ayon sa pagkakasunod-sunod, at ₱0.50 naman ang ibinawas sa presyo ng bawat litro ng gasolina.