Sa gitna ng kaniyang pagiging trending sa X, nagpatutsada si Senador Robin Padilla sa mga “attorney” sa social media.
Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Marso 8, sinabi ni Padilla na kulang umano ang mga abogado sa Pilipinas, ngunit marami raw ang umaastang “attorney” sa social media.
“Sabi ng datos kulang ang mga abogado at huwes sa mga korte ng Pilipinas
Mabuti pa pala sa social media daming attorney out law at Beauty pageant judges 😂,” ani Padilla sa kaniyang post.
Bagama’t hindi na pinalawig ng senador kung para saan ang kaniyang post, makikita sa platapormang X (dating Twitter) ang pagiging trending niya hanggang sa kasalukuyan dahil sa pagtutol niya sa ruling ni Senador Risa Hontiveros na i-contempt si Quiboloy.
Habang sinusulat ang artikulong ito’y nasa mahigit 12,300 ang X posts patungkol kay Padilla.
Matatandaang sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros ang ruling na i-contempt si Quiboloy.
Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.
MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy
Samantala, sa naturang pagdinig ay harapang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy.
MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy
Walong pirma naman daw mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.
Nito lamang Huwebes, Marso 7, ay pinangalanan naman ni Padilla ang apat pang mga senador lumagda na sa “written objection” kaugnay ng contempt order laban kay Quiboloy. Ito ay sina Senador Imee Marcos, Senador Cynthia Villar, Senador Bong Go, at Senador JV Ejercito.
MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy