Itinalaga si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang administrator ng mga ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ni Pastor Apollo Quiboloy.

Inanunsyo ito ng media arm ng KOJC na Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Biyernes, Marso 8.

Habang sinusulat ito’y wala pa namang ibang detalye hinggil sa naturang pagkakatalaga kay Duterte.

Samantala, kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan ng prosecutors sa Pasig City at Davao City si Quiboloy kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Bukod dito, sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Senador Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy.

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Samantala, sa naturang pagdinig ay harapang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Walong pirma naman daw mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.

Nito lamang Huwebes, Marso 7, ay pinangalanan naman ni Padilla ang apat pang mga senador lumagda na sa “written objection” kaugnay ng contempt order laban kay Quiboloy. Ito ay sina Senador Imee Marcos, Senador Cynthia Villar, Senador Bong Go, at Senador JV Ejercito.

MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy

Makalipas ang ilang oras ay binawi naman ni Ejercito ang kaniyang lagda matapos umano niyang siyasatin ang “facts” at testimonya ng mga witness laban sa pastor.

MAKI-BALITA: Matapos siyasatin witness testimonies: JV, binawi pirma sa objection letter para kay Quiboloy

Samantala, sa ulat ng GMA News nito ring Huwebes ay ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrests laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nitong “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”