Kumpiyansa ang Department of Transportation (DOTr) na sa kabila ng right-of-way issues na kanilang kinakaharap ay matatapos nila sa taong 2029 ang Metro Manila Subway Project (MMSP).
Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, inamin ni DOTr Secretary Jaime Bautista na sa ngayon ang progress rate ng right-of-way acquisitions para sa proyekto ay nasa 55% pa lamang.
Ayon kay Bautista, naipagpaliban ding muli ang pag-a-award ng tatlo pang natitirang contract packages para sa P488 bilyong proyekto sa ikatlong bahagi ng taong ito dahil hindi pa natatapos ang negosasyon sa mga may-ari ng lupa at mga property holders na maaapektuhan nito.
Paliwanag pa ni Bautista, kailangan muna nilang tapusin ang isyu sa right-of-way dahil maaaring hindi ito masimulan sa tamang oras kung kaagad itong mai-award sa contractor nang hindi maayos ang isyu at magreresulta sa pagkakaroon ng tinatawag na ‘prolongation cost.’
Aniya pa, hindi lamang naman sa pribadong sektor nagkakaroon ng problema ang DOTr kundi maging sa ilang ahensiya ng gobyerno na tatamaan ng proyekto, kabilang na ang isang gusali na ikinukonsiderang isang cultural property at pagma-may-ari ng Department of Education (DepEd).
Isa naman aniya sa nakikita nilang paraan ay ilipat ang gusali o 'di kaya ay ilipat ang istasyon, na ang tinutukoy ay ang pinaplanong Senate-DepEd station sa Pasay City.
Sa kaso naman aniya ng mga homeowners, tumatanggi ang mga ito na magkaroon ng konstruksiyon ng subway sa ilalim ng kanilang mga property.
Pinawi naman ni Bautista ang pangamba ng mga ito para sa kanilang kaligtasan at tiniyak na mananatili pa ring ligtas ang kanilang mga bahay at ari-arian, sa panahon ng konstruksiyon at maging sa operasyon ng subway dahil gumagamit sila ng Japanese technology na subok na.
Aniya pa, ginamit na ang naturang teknolohiya sa tunnel at subway na ginawa sa Japan at wala namang naging problema dito.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni DOTr Undersecretary for Railways Jeremy Regino na gagawin lamang last o final resort ng DOTr ang expropriation ng mga ari-arin kung talagang wala nang patutunguhan ang negosasyon.
“We cannot continue to wait for so long. If there will be no agreement, then we will have to file the expropriation proceedings but without prejudice to continuing the negotiations. Ibig sabihin, pag nasampa na natin sa korte, nagkaroon na tayo ng writ of possession, it does not bar the continuation of a successful negotiation,” aniya pa.
Siniguro rin naman niya na bibigyan ng patas na kumpensasyon ang mga landowners at property holders na maaapektuhan ng proyekto.
Paglilinaw rin niya, ang expropriation ay iba sa kumpiskayon dahil ito’y base sa just compensation.
Sina Bautista at Regino ay magkasamang nagsagawa ng inspeksiyon sa initial driver ng Tunnel Boring Machine ng initial drive ng MMSP sa North Avenue Station.
Tiniyak nila na ang completion o pagtatapos ng proyekto ay pasok sa 2029 target ng DOTr.
Ang MMSP na kauna-unahang underground railway sa bansa ay isang 33-kilometer railway system na magkokonekta sa Valenzuela City at Pasay City, at daraan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Parañaque City.
Sa sandaling maging operational, makatutulong ang subway upang mabawasan ang travel time mula Valenzuela patungong NAIA at maging 35-minuto na lamang, mula sa kasalukuyang isa at kalahating oras.
Tinatayang aabot rin sa 519,000 pasahero ang mapagsisilbihan nito araw-araw.