Sa mga pahina ng kasaysayan, hindi maitatanggi ang pangingibabaw ng kalalakihan. Kapag tinanong ang isang tao kung sino ang mga kilala nilang bayani, halimbawa, madalas na sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Gregorio Del Pilar, o Antonio Luna ang unang pumapasok sa isip ng marami.
Dahil dito, pwedeng sabihin na hindi masyadong maigting ang popularisasyon para sa mga babae sa kasaysayan. Ilan na bang pelikula ang nagawa na ang kuwento ay sa kanila nakasentro? Hindi hamak na mas marami kaysa sa mga lalaki. Siguro’y dahil hindi gaanong maaksiyon ang naratibo ng kanilang buhay? Pero hindi ba’t ang pakikibaka para sa isang maayos na lipunan ay hindi lang naman limitado sa paghawak ng mga baril at tabak?
Kaya ngayong Buwan ng Kababaihan, kilalanin ang lima sa mga dakilang babae sa kasaysayang Pilipino na nag-ambag ng kanilang husay at talento para sa kanilang larangang pinili.
1. Trinidad Tecson
Isang babaeng rebolusyonaryo si Trinidad Tecson noong panahon ng mga Kastila. Bahagi siya ng “Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan” o “KKK “ na itinatag ni Bonifacio.
Sa isang grupong pinamumugaran ng kalalakihan, isa si Tecson sa matapang na babaeng humawak ng armas para ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas sa kamay ng mga mananakop.
Tinagurian si Tecson sa kasaysayan bilang “Ina ng Biyak-na-Bato.” Nang sumiklab kasi ang himagsikan, siya ang nangasiwa sa itinayong bahay sa naturang lugar para sa mga may-sakit at sugatang Katipunero. Kalaunan, sumama rin siya sa hukbo ni Heneral Gregorio Del Pilar at Heneral Isidoro Torres sa ikalawang yugto ng himagsikan.
Isinilang si Tecson noong Nobyembre 18, 1848 sa San Miguel de Mayumo, Bulacan. Anak siya ng mag-asawang Rafael Tecson at Monica S. Perez.
Samantala, pumanaw naman siya noong Enero 28, 1928 sa Philippine General Hospital.
2. Maria Orosa
Isang imbentor at food technologist si Maria Orosa na isinilang noong Nobyembre 29, 1893 sa Taal, Batangas, anak ng mag-asawang Simplicio Orosa y Agoncillo at Juliana Ylagan.
Ilan sa mga imbensyon ni Orosa ay ang banana ketchup, calamansi powder, soya powder, at marami pang iba. Bukod pa rito, nagbahagi rin si Orosa ng kaniyang mga nalalaman sa pamamagitan ng pagtuturo bago pumasok sa Bureau of Science noong 1923.
Nang sumiklab naman ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumapi siya sa gerilya at naging kapitan ng hukbo. Nagpakain siya sa mga sugatan at may-sakit na kasamahan.
Pero sa kasamaang palad, naging masaklap ang kamatayan ni Orosa noong Pebrero 13, 1945. Matapos kasi niyang tamaan ng ligaw na bala hábang nagtatrabaho sa gusali ng Bureau of Plant Industry sa Malate, tumarak ang isang shrapnel sa puso niya nang bombahin ang Malate Remedios Hospital kung saan siya dinala para magpagamot.
3. Pura Villanueva Kalaw
Kilala si Pura Villanueva Kalaw bilang “first beauty queen” sa kasaysayan ng Pilipinas. 22 taong gulang siya nang koronahan bilang "Queen of the Orient" noong 1908 sa ginanap na kauna-unahang Manila Carnival. Pero pinatunayan niyang hindi lang ganda ang kaniyang taglay na katangian.
Dalawang taon bago makoronahan, inogranisa ni Kalaw ang “Asociacion Feminista Ilongga.” Ito ang kauna-unahang samahan ng mga kababaihan na nagsusulong ng karapatan nilang bumoto sa lokal at pambansang halalan.
Pagsapit ng 1937, nakamit ng kababaihan sa buong kapuluan ang karapatang ito. Sumulat din si Kalaw sa popular na pahayagan sa Kanlurang Visayas na “El Tiempo.” Ginalugad niya sa kaniyang mga sulatin ang iba’t ibang paksa na may kinalaman sa karapatan ng mga babae.
Dahil dito, pinarangalan si Kalaw ni dating Pangulong Elpidio Quirino ng medalya para sa kontribusyon niya sa komunidad ng kababaihan.
Isinilang si Kalaw noong Agosto 27, 1886 sa Arevalo, Iloilo City at pumanaw noong Marso 21, 1954 dahil sa atake sa puso.
4. Honorata de la Rama
Isinilang si Honorata de la Rama (o mas kilala sa tawag na “Atang”) noong Enero 11, 1902 sa Pandacan, Maynila. Siya ang pinakabata sa kanilang apat na magkakapatid na maagang naulila. Kaya lumaki siya sa poder ni Pastora Matias at sa asawa nitong si Leon Ignacio na isang kompositor at lumikha ng “Dalagang Bukod”, ang sarswelang maglalagay kay de la Rama sa tugatog ng kaniyang karera.
Kinilala si de la Rama bilang “Reyna ng Sarswela at Kundiman.” Hindi kasi matatawaran ang tagumpay na naabot ng “Ang Kiri” at “Dalagang Bukid” na ginanapan niya. Ayon sa tala, sinasabing ang dalawang ito raw ang pinakamaraming beses na naitanghal sa kasaysayan ng dulaang Pilipino.
Kaya naman, hindi nakapagtatakang noong 1987 hinirang si de la Rama bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro at Musika
5. Lualhati Bautista
Masasabing itinaas ni Lualhati Bautista ang estado ng kababaihan sa lipunan sa pamamagitan ng kaniyang mga nobela gaya ng “Dekada ‘70,” “Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa?”, “Bulaklak Sa City Jail” at iba pa.
Matapang at mapangahas niyang isinatitik ang mga niloloob na pangarap at mithiin ng isang babae hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi pati sa lipunang ginagalawan nito sa panahon ng panunupil sa kalayaang magsalita at magpahayag.
Nagkamit siya ng mga parangal mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Cultural Center of the Philippines, Metro Manila Film Festival, at marami pang iba.
Bago siya pumanaw noong Pebrero 12, 2023, patuloy na ginamit ni Bautista ang kaniyang boses bilang babae at manunulat para sa pagbabagong panlipunan na inaasam ng maraming Pilipino.
Silang lima—mula kay Trinidad Tecson hanggang kay Lualhati Bautista—ay paalala na ang babae ay hindi basta babae lang; na ang babae ay kaya ring lumikha ng sarili nilang bakas sa mga pahina ng kasaysayan.