Pinayuhan ng Department of Education (DepEd) ang publiko, gayundin ang mga paaralan, na mag-ingat laban sa mga mapanlinlang na indibidwal na nagpapanggap bilang mga authorized personnel umano ng Office of the Vice President (OVP) o ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang DepEd at OVP na may ilang tiwaling indibidwal na nagpapanggap na authorized personnel umano ng OVP o ni VP Sara sa pagsasagawa ng monitoring activities, sa ngalan ng departamento.

Sa abiso ng DepEd, iginiit nito na ang mga nasabing indibidwal ay walang anumang affiliation sa OVP o anumang DepEd program, partikular na sa School Building Program (SBP).

Ipinaliwanag ng DepEd na ang inspeksyon sa mga school building projects ay pinangangasiwaan at ikinu-coordinate lamang, sa pamamagitan ng School Infrastructure and Facilities (SIF) Strand.

“The Department of Education (DepEd) warns schools and the public about deceitful individuals falsely representing themselves as authorized personnel of the Office of the Vice President (OVP) or the Vice President and DepEd Secretary to conduct monitoring activities on behalf of the Department,” anang DepEd advisory nitong Miyerkules. “These individuals have no affiliation with the OVP or any DepEd program, specifically the School Building Program (SBP).”

Dahil dito, wala umanong sinumang indibidwal, kontraktor o organisasyon, kabilang na ang mga ahensiya ng pamahalaan, na pinahihintulutang magsagawa ng mga naturang aktibidad, maliban na lamang kung sila ay officially recognized at iniendorso ng SIF.

Anito pa, “The inspection of school building projects is managed and coordinated through the School Infrastructure and Facilities (SIF) Strand. Therefore, no individuals, contractors, or organizations, including government agencies, are permitted to conduct such activities unless officially recognized and endorsed by SIF.”

Kaugnay nito, hinikayat din ng DepEd ang publiko na kaagad na isumbong sa kanilang tanggapan kung may maka-engkwentro silang mga ganitong indibidwal. “We urge anyone who encounters such individuals to report them directly or verify their identity with the Office of the Secretary at [email protected].”