May handog na libreng sakay ang mga pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa mga kababaihang pasahero nito sa Marso 8, Biyernes.

Ito'y bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng International Women's Day.

Nabatid na ang libreng sakay para sa mga babaeng pasahero ay maaari nilang i-avail mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM sa nasabing araw.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino, ang libreng sakay para sa mga kababaihan ay bilang pasasalamat at pagkilala sa mahalagang papel ng mga babae sa lipunan.

"Ang LIBRENG SAKAY po ay simpleng paraan ng MRT-3 upang ipakita ang suporta sa bawat Juana at ang aming pasasalamat sa napakahalagang ambag ng mga kababaihan sa pagsulong ng kaunlaran ng ating bansa," mensahe pa ni Aquino.

"Sa MRT-3 pa lamang po, nariyan ang mga ticket sellers, security personnel, station supervisors, at iba pa pong kawaning babae na araw-araw nagtitiyak ng maayos at ligtas na biyahe ng mga pasahero. Nararapat lamang po na ating pagpugayan at suportahan ang ating mga kababaihan lalo't higit sa kanilang espesyal na araw," dagdag pa ni Aquino.

Ayon naman kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty Hernando Cabrera, ang libreng sakay para sa mga kababaihan sa LRT-2 ay pasasalamat at pagkilala ng LRTA sa tagumpay, galing at talento ng mga babae sa kanilang larangan at komunidad.

Aniya pa, "Ito pong libreng sakay natin para sa mga kababaihan ay pasasalamat ng LRTA sa kanilang hindi matatawarang kontribusyon sa ating lipunan."

Dagdag pa niya, "Sana po sa simpleng paraan po namin ay maramdaman ninyo na mahalaga kayo sa amin."

Ang MRT-3 ay bumabagtas sa EDSA mula sa North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City. Habang ang LRT-2 naman ang siyang nag-uugnay sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila at Antipolo City sa Rizal.