Agad na binawi ni Senador JV Ejercito ang kaniyang pirma sa “written objection” para harangin ang contempt order ni Senador Risa Hontiveros laban kay Pastor Apollo Quiboloy matapos daw niyang siyasatin ang “facts” at testimonya ng mga witness laban sa pastor.
Matatandaang nitong Huwebes, Marso 7, nang pangalanan ni Senador Robin Padilla ang apat niyang mga kapwa senador na lumagda rin sa written objection, kung saan isa na rito si Ejercito.
MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy
Pagkatapos nito, naglabas ng pahayag si Ejercito nitong Huwebes ng hapon para ipaliwanag ang kaniyang naging pagpirma rito.
MAKI-BALITA: Ejercito, nagpaliwanag bakit siya pumirma sa written objection para kay Quiboloy
Samantala, nito lamang ding Huwebes ng hapon nang muling maglabas ng pahayag si Ejercito para bawiin ang kaniyang pirma.
Sa naturang pahayag, sinabi ni Ejercito na nilagdaan niya ang objection letter na pinasimulan ni Padilla bilang pagsasaalang-alang sa “procedural practicality.”
Ngunit nagpasya raw siyang bawiin ang kaniyang lagda pagkatapos ang “maingat na pagsusuri” kaugnay ng kaso ni Quiboloy.
“After careful review of the facts, witness testimonies, and additional information, such as the allegations of rape during the last committee hearing, I have decided to withdraw my signature today,” ani Ejercito.
“Furthermore, my consultations have revealed strong precedents indicating that ongoing cases can still be heard and investigated in the Senate. This means Pastor Quiboloy will get an opportunity to present his side.”
“Rest assured that the Senate will ensure fairness throughout the proceedings,” saad pa niya.
Inilabas din ng senador ang kaniyang sulat para kay Padilla na nagsasaad ng paghingi niya ng tawad dahil sa pagbawi niya ng kaniyang lagda.
“After thoughtful contemplation, I would like to respectfully inform you of my intention to withdraw my signature affixed in the document objecting against the contempt order directed towards [Quiboloy],” nakasaad sa sulat ni Ejercito kay Quiboloy.
Dahil sa pagbawi ng pirma ni Ejercito, anim pa ang kailangan ni Padilla para mabawi ang contempt order laban sa pastor.
Matatandaang sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy.
Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.
MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy
Samantala, sa naturang pagdinig ay harapang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy.
Dahil dito, walong pirma raw mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.
MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy