Nagpahayag ng pagsuporta si Senador Imee Marcos kay Robin Padilla hinggil sa pagharang nito sa ruling ni Senador Risa Hontiveros na i-contempt si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.

Matatandaang sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy.

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Samantala, sa naturang pagdinig ay harapang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy.

Dahil dito, walong pirma raw mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Kaugnay nito, sa isang press conference nitong Miyerkules, Marso 6, sinabi ni Imee na pipirma siya sa naturang kasulatan para kay Quiboloy.

“Kami ni Sen. Robin, talagang pipirma. Nagkasundo kami kagabi na pipirma kami para ipaatras itong contempt order kasi parang hindi naman tama,” ani Marcos. 

Binanggit din ng senadora na sa tingin niya ay pipirma rin umano sa naturang kasulatan ang kanilang “kagrupo” na sina Senador Bong Go at Senador Cynthia Villar.

“Pero hindi pa yata kami umaabot sa kinakailangang 8 votes para ma-withdraw ‘yung contempt order,” saad ni Marcos.

Matatandaang kamakailan lamang, sinabi rin ni Marcos na lungkot na lungkot siya sa mga nangyayari ngayon kay Quiboloy dahil mabait naman daw ito at “tumutulong sa napakarami.”

MAKI-BALITA: Imee, lungkot na lungkot sa mga nangyayari kay Quiboloy: ‘Mabait siya sa atin’