Inabisuhan ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Huwebes ang mga motorista na ilang kalsada sa lungsod ang pansamantalang isasara sa Biyernes ng umaga, Marso 8, kasabay nang pagdiriwang ng International Women’s Day.
Ito’y upang bigyang-daan aniya ang cleanup activities na isasagawa ng mga kababaihan, bilang bahagi ng pagdiriwang ng naturang okasyon sa lungsod.
Ayon kay Lacuna, apat na kalsada sa bisinidad ng Manila City Hall, ang nakatakdang isara mula 6:00AM hanggang 10:00AM sa nasabing araw.
Kabilang dito ang San Marcelino St., mula Ayala Bouleverad hanggang Natividad Lopez St.; Natividad Lopez St.; Antonio Villegas St. mula Freedom Park hanggang Arroceros Park at Cecilia Muñoz Palma St..
Anang alcalde, sa mga nasabing oras, ang mga kababaihan mula sa iba’t ibang departamento, bureau at mga tanggapan sa Manila City Hall ay magsasama-sama upang magsagawa ng cleanup activity.
Matatandaang ang unang kautusan ni Lacuna nang maluklok sa puwesto noong 2022 ay ang pagdaraos ng city-wide cleanup.
Naniniwala kasi ang alkalde na ang isang malinis na lungsod, malinis na kapaligiran at malinis na lugar ng trabaho ay nakatutulong sa pag-unlad.