Nagpaliwanag si Senador JV Ejercito kung bakit siya pumirma sa “written objection” kaugnay ng contempt order ni Senador Risa Hontiveros laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Marso 7, sinabi ni Ejercito na lumagda siya dahil nakapagsampa na raw ng kaso ang Department of Justice (DOJ) laban kay Quiboloy.
MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla
“This decision was based on the fact that the [DOJ] has already pursued charges of sexual abuse and qualified trafficking against Pastor Quiboloy. I believe it is appropriate for the agency to investigate this sensitive issue,” ani Ejercito.
“Pastor Quiboloy should face the charges before the DOJ to prove his innocence and ensure due process,” dagdag pa niya.
Matatandaang sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy.
Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.
MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy
Samantala, sa naturang pagdinig ay harapang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy.
MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy
Walong pirma naman daw mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.
Kaugnay nito, bukod kay Padilla ay may apat na senador na rin daw ang pumirma sa naturang written objection para kay Quiboloy, kung saan isa na rito si Ejercito.
MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy