Sabi nga, "Age is just a number!" Hindi hadlang ang edad upang tumigil at hindi na kamtin ang mga pangarap sa buhay.

Hinangaan ng mga netizen at nagdulot ng inspirasyon sa kabataan ang isang senior citizen mula sa Batangas na umano'y nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral, at may hawak na paskil na humaplos sa puso ng mga netizen.

Ayon sa Facebook post ng isang nagngangalang "Daisy Villas," malapit nang magtapos sa pag-aaral ang senior citizen na si "Fely Adarlo," na mahihinuhang sa Senior High School.

May hawak na plakard si Fely na may nakasulat na "Age is not a hindrance to reach goals."

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Sa comment section, mababasa ang komento ni Fely kay Daisy na tinawag niyang "Ma'am."

"Alahhhh Kakahiya po sa inyo. Thank you po Ma'am Daisy Varela Villas," ani Fely.

Bumaha naman ng pagbati ang mga netizen para kay Fely na nagsisilbing inspirasyon daw sa lahat, dahil sa kabila ng edad nito ay patuloy pa rin siyang nagsusumikap na tapusin ang kaniyang pag-aaral.

Mapalad namang nagpaunlak si Lola Fely ng isang eksklusibong panayam sa Balita. Aniya, ang uploader ng kaniyang viral photo ay kaniyang guro. Ang kaniyang buong pangalan ay "Felisa Adarlo," may limang anak at sampung apo mula sa kanila.

Siya ay Senior High School student (Grade 12) sa isang San Pascual Senior High School 1 sa San Antonio, San Pascual, Batangas.

Aniya, sa mahabang panahon daw ay nagtrabaho siya bilang kasambahay, at nang may sari-sariling pamilya na ang mga anak, ay naisipan naman niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Mga anak nga raw niya ang humikayat sa kaniyang bumalik sa eskuwela upang ma-refresh daw ang kaniyang mga kaalaman.

"Bumalik po ako sa pag aaral dahil kinumbinsi po ako ng aking mga anak na pumasok muli para daw po ma-refresh ang aking isip dahil nga po matagal akong nahinto sa pag aaral," aniya.

"Isa pa po kami lang pong mag-asawa ang naiwan sa aming bahay kaya pagkatapos po ng mga gawaing-bahay wala na po akong ginagawa at nakaka-boring naman po ang ganun kaya pumayag na po ako na mag-aral ulit at ito nga po nae-enjoy ko naman ang buhay ng isang estudyante," dagdag pa niya.

Ipagpapatuloy pa ba niya ang pag-aaral kung makatapos sa SHS?

"Balak ko din pong mag-aral hanggang college at ang gusto ko pong kurso ay pagiging guro," sagot niya.

Isinalaysay rin ni Fely kung ano ang pinagdaanan niya sa muling pagtuntong sa pag-aaral lalo na sa kaniyang edad. Aniya, aminado siyang hindi madali.

Sa kabila nito, habang tumatagal ay nag-eenjoy na siya; sa katunayan, nagkaroon pa siya ng award!

"Noong una talaga pong napakahirap. Para po akong nag-aaral sa daycare. Wala pong kaalam-alam. Totally drained ang utak ko tungkol sa mga inaaral namin."

"Habang tumatagal naman po, medyo may natututunan na at ngayon nga pong Grade 12 na ay nagkaroon po ako ng academic award last 1st semester."

Kaya naman, malaki ang pasasalamat ni Fely sa Panginoon gayundin sa kaniyang support system tulad ng mga anak, apo, at guro na walang sawang gumabay sa kaniya upang mapadali ang kaniyang pag-aaral.

"Una po sa lahat nagpapasalamat ako kay Lord at narating ko ang edad ko ngayon na malakas at malusog, pangalawa sa aking mga anak na gumagabay at tumutulong sa akin lalo na pag may mga assignments, pati na rin po sa aking mga apo na tumutulong din sa akin."

"Nagpapasalamat din po ako sa lahat ng mga guro sa San Pascual Senior High School 1, sa aming principal na si Maam Marcela Agdan at pati na rin po sa mga kaklase ko sa HUMMS-12 Pythagoras."

Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga kaedad niyang patuloy pa ring nangangarap sa buhay.

"Ang mensahe ko lng po doon sa mga katulad kong may mga edad na, kung may pagkakataon po kayo ay ipagpatuloy n'yo ang inyong nahintong pag aaral. Isa po itong magandang paraan upang maging malusog ang ating isipan at makaiwas sa sakit na Alzeihmer, at higit po sa lahat, para maabot ang naudlot nating pangarap."

Samantala, proud na proud naman sa kaniya ang gurong tagapayo na si Juliefe “Ma'am Pipay” Cusi na naging class adviser ni Fely noong Grade 11 pa hanggang ngayong Grade 12. Siya rin ay Social Science teacher nito.

Bida ni Ma'am Pipay, kahanga-hangang mag-aaral daw si Fely dahil masigasig ito sa kaniyang pag-aaral. Bukod dito, talagang punumpuno siya ng talento. Lagi rin siyang pumapasok sa paaralan at hindi basta-basta lumiliban sa klase.

"Si Nanay Fely po for almost 2 years ay tunay na isang kahanga-hanga at huwarang estudyante, ginagawa po niya kung ano po ang ginagawa ng kanyang mga kaklase. Nagsusubmit ng activities, assignment, sumasagot sa recitations, nag ro-role play, umaakting sa theater play, magaling tumula maging ng spoken poetry, sumasayaw, naglalaro, at nagswi-swimming sa PE, akyat - baba hanggang sa third at fourth floor. Malingil po siya sa mga gawain, madalas siya pa ang nagtatanong kung ano ang mga kailangan at matalas pa po ang kanyang memorya. Na-awardan din po si Nanay Fely ng Perfect in Attendance nitong first semester at napasama sa With Honors nitong Second Quarter, 1st Semester."

Dagdag pa ng guro, inspirasyon si Fely hindi lamang sa kaniyang mga kaklase kundi sa buong pamayanan ng kanilang paaralan, dahil kayang-kaya nitong makipagsabayan sa kabataan.

"Kitang kita po talaga na sabik po si Nanay Fely na matuto at nag-e-enjoy po siya sa mga ginagawa niya. Napakasarap din pong tignan na sa loob ng aming classroom ay may isang Nanay Fely na minamahal at ginagalang ng kanyang mga kaklase. Ang buong SPSHS 1 Community po nuon pa man ay tuwang-tuwa at saludo kay Nanay sa pagsusumikap niyang makipagsabayan sa mga kabataan. Pinatutunayan po niya yung hawak niyang plakard na hindi hadlang ang edad sa pag-aaral. Minsan advantage pa nga po ito," anang Ma'am Pipay sa panayam ng Balita.

Pagbati, Lola Fely! Isa po kayong malaking inspirasyon sa lahat!

MAKI-BALITA: Lolang ‘G’ pa rin sa pag-aaral, hinangaan: ‘Age is not a hindrance to reach goals!’

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!